Sino si Epifanio de los Santos ?


Si Epifanio de los Santos (E·pi·fán·yo de los Sán·tos) ay isang iginagalang na historyador at iskolar.


Itinuturing siyang “Unang Akamedisyang Filipino” at “Dakila sa mga Dakilang Iskolar na Filipino.” Sa kaniya ipinangalan ang EDSA, ang pinakamahaba at pangunahing lansangan ng Kamaynilaan at pinakatanyag na daan ng Filipinas.


Bilang manunulat, itinuturing si De los Santos bilang isa sa mga pangunahing Filipinong manunulat sa wikang Espanyol ng kaniyang panahon. Siya ang unang Filipino na nahirang na kasapi ng Royal Academy of Language, Royal Academy of Literature, at Royal Academy of History ng Espanya sa Madrid.


Katuwang siyang patnugot ng pahayagang rebolusyonaryong La Independencia, at kasamang tagapagtatag ng mga diyaryong La Libertad, El Renaciemento, La Democracia, La Patria, at Malaysia.


Naglimbag siya ng mga akda tungkol sa kasaysayan at kalinangan ng Filipinas, ang Algo de Prosa (1909), Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagalo (1911), Nuestra literatura a traves del siglo (1913), El Proceso del Dr. José Rizal (1914), Folklore Musical de Filipinas (1920), Filipinos y filipinistas, Filipinas para los Filipinos, Cuentos y paisajes Filipinos, at Criminality in the Philippines (1903–1908).


Isa siyáng dalubwika sa Espanyol, Ingles, Pranses, Aleman, at Tagalog.


Bilang iskolar, nag-ambag siya sa mga unang pag-aaral sa Filipinas sa antropolohiya, etnolohiya, arkeolohiya, lingguwistika, at demograpiya. Naglakbay siya sa mga museo at aklatan ng Europa upang mangalap ng mga pambihirang dokumento at gamit mula at tungkol sa Filipinas. Bilang estadista, nahalal si De los Santos bilang gobernador ng Nueva Ecija noong 1902 at 1904. Siya ang unang gobernador ng lalawigan na nahalal sa demokratikong paraan. Pagkatapos ng kaniyang termino, hinirang siyáng piskal panlalawigan ng Bulacan at Bataan. Noong 1925, hinirang siyá ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang direktor ng Pambansang Aklatan at Museo.


Isinilang siya noong 7 Abril 1871 sa Malabon kina Escolastico de los Santos ng Nueva Ecija at musikerang si Antonina Cristobal ng Malabon. Nakamit niya sa Ateneo Municipal de Manila ang Batsilyer sa Arte na may parangal na summa cum laude, at pagkatapos ay kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nanguna siya sa bar exam. Nagkaroon siyá ng apat na anak sa unang asawa na si Ursula Paez at walong anak sa ikalawang asawa na si Margarita Torralba.


Pumanaw siya noong 18 Abril 1928 habang nasa katungkulan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: