pambansang aklatan

Pambansang aklatan


Ang Pambansang Aklatan o The National Library (TNL) ay nagsisilbi sa mga mag-aaral, iskolar, at mananaliksik. Nagtataglay ito ng mahigit isa’t kalahating milyon ng koleksiyong libro, manuskrito, mga magasin at pahayagan, disertasyon, mga lathalain ng pamahalaan, iba’t ibang mapa, at mga retrato. Layunin ng pambansang aklatan na payabungin ang intelektuwal na pag-unlad ng mga Filipino sa pamamagitan ng pagbabasá. Pinangangasiwaan nitó ang lahat ng pampublikong aklatan sa buong bansa.


Tungkulin ng Pambansâng Aklátan ang pagtitipon at pangangalaga sa mga babasahín at iba pang materyales na Filipiniana at paunlarin ang serbisyo ng mga aklatan sa Filipinas. Tinutulungan ng pambansang aklatan ang mga lokal na pamahalaan na maisaayos ang sistema ng aklatan at pagbibigay ng impormasyon. Nagsasagawa rin ito ng tuloy-tuloy na pananaliksik upang maitaas ang kalidad ng pamamahala sa mga aklatan.


Ang Museo-Biblioteca de Filipinas na itinatag ng mga Espanyol noong 1891 ang maituturing na kauna-unahang aklatang pambansâ subalit binuwag ito nang sakupin ng Estados Unidos ang Filipinas. Ang kalakhan ng koleksiyon ng Biblioteca ang nagsilbing batayan sa pagtatayô ng seksiyong Filipiniana ng aklatang pambansâ noong panahon ng pamamahala ng mga Amerikano. Ang kasalukuyang pambansang aklatan ay itinatatag noong 5 Marso 1901 mula sa ipinagkaloob na koleksiyon ng American Circulating Library. Sa bisà ng Batas Pampubliko Blg. 1935, pinag-isa at pinagsáma ang lahat ng aklatan ng pamahalaan sa tinatawag na Philippine Library. Ang institusyong ito ay naging Philippine Library and Museum noong 1916 subalit pinaghiwalay ang aklatan at ang museo noong 1928. May gusali ang Pambansâng Aklatan sa Kalye T. Kalaw, katabi ng Rizal Park, Maynila.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr