Teodoro Manguiat Kalaw
Bilang manunulat, ilan sa mga kinatha ni Kalaw ang Mi Pagina Diaria, La Campaña de Kuomintang, Reformas en La Enseñanza del Derecho, La Constitucion de Malolos, Teorias Constitucionales (1912), The Constitutional Plan of the Philippine Revolution (1914), at La Revolucion Filipina.
Noong 1903, nagsimula siyang magsulat para sa El Renacimiento, isang nangungunang pahayagan na kritikal sa mga abusadong opisyal sa pamahalaang Amerikano. Noong 1907, siya ang naging pinakabatang patnugot nito.
Noong 1908, sinakdal siya sa kasong libelo ng Kalihim Panloob na si Dean Worcester para sa pagpapalimbag ng editoryal na “Aves de Rapiña.” Nagsilbi lámang itong dagdag sa katanyagan ni Kalaw, lalo sa hanay ng mga nasyonalistang Filipino.
Sa dami at husay ng kaniyang mga isinulat mula 1900 hanggang 1940, binansagan ang mga taong ito ng historyador na si Teodoro Agoncillo bilang “Panahon ni Kalaw.”
Bilang mambabatas, nahalal si Kalaw na assemblyman (1909-1912). Noong 1920, itinalaga siyang Kalihim Panloob (Secretary of the Interior). Hinirang siyang direktor ng Pambansang Aklatan, isang katungkulang hinawakan niya hanggang sa kaniyang kamatayan.
Isinilang siya noong 31 Marso 1884 sa Lipa, Batangas kina Valerio Kalaw, ang huling capitan municipal ng bayan sa panahon ng Espanyol at unang presidente municipal sa panahon ng Amerikano, at Maria Manguiat.
Nagaral siya sa Escuela Pia sa Lipa, pagkaraan ay sa Maynila, at sa Lipa muli sa Instituto Rizal. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Arte (na may mataas na karangalan) sa Liceo de Manila.
Nakuha niya ang kaniyang Batsilyer sa Abogasya noong 1905 sa Escuela de Derecho, ang pinakaunang paaralan ng abogasya sa Filipinas. Nanguna siya sa bar exam nang may grado na 100 porsiyento sa batas sibil.
Nagkaroon siya ng apat na anak kay Purificacion Garcia Villanueva, ang unang Manila Carnival Queen noong 1908. Pumanaw siya noong 18 Abril 1928 habang nasa katungkulan.
Ipinangalan sa kaniya ang dating Calle San Luis na bumabaybay sa isang panig ng Liwasang Rizal (Luneta) at kinatitirikan ngayon ng Pambansang Aklatan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Teodoro Manguiat Kalaw "