Juan Abad
Si Juan Abad (Hu·wán A·bád) ay isang makabayang mamamahayag at mandudula. Naging mahalaga siya sa teatrong Filipino dahil sa kaniyang mga patriyotikong dula na Ang Tanikalang Guinto at Isang Punglo ng Kaaway.
Isinilang siyá noong 8 Pebrero 1872 sa Sampaloc, Maynila kina Ambrosio Abad, isang bookbinder, at Bonifacia Domingo. Ang kaniyang unang dulang Suenos dela mala fortuna ay itinanghal sa Dulaang Arevalo sa Sampaloc noong 1895, noong siya ay 23 taong gulang.
Kompositor siya sa isang palimbagan ng mga Heswita nang magsimula ang Himagsikang 1896. Noong 1898, naging kasapi siya ng La Independencia sa Malolos, Bulacan at ng La Republica Filipina sa San Fernando, Pampanga. Bago matapos ang 1899, bumalik siyá sa Maynila, at naging kasapi ng Ang Kapatid ng Bayan.
Noong 30 Disyembre 1899, kasáma sina Jose Palma, Faustino Salomon, Emilio Reyes, at Felipe Mendoza, inilathala niya ang Laong-Laan. Siyá at si Palma ay inaresto nang lumabas ang Laong-Laan. Pinalaya rin silá at isinailalim sa probasyon.
Nagsulat muli si Abad ng dula. Binuo niya, kasama sina Mariano Sequera at Honorio Lopez, ang organisasyong La Juventud Filipina na naglayong paunlarin ang patriyotikong drama at kontrahin ang komedya. Inimbestigahan ang ilang miyembro ng Juventud, kasáma si Abad na inaresto rin dahil sa hindi nitó pagsasagawa ng oath of allegiance sa Estados Unidos. Ipinatapón siyá sa Olongapo kasáma si Honorio Lopez. Ang mga naging karanasan niya sa Olongapo ang naging materyales sa kaniyang Manila-Olongapo na itinanghal sa Teatro Zorrilla noong Hunyo 1901.
Noong 7 Hulyo 1902, umani ng papuri at pagkilala si Abad dahil sa naging matagumpay na pagtatanghal ng kaniyang Ang Tanikalang Guinto sa Teatro Libertad. Noong 10 Mayo 1903, nang itanghal ito sa Batangas, inakusahan siyá ng sedisyon. Nahatulan si Abad ng dalawang taóng pagkabilanggo at minultahan ng dalawang libong dolyar.
Nang makapagpiyansa, at hábang naghihintay ng desisyon sa kaniyang kaso, isinulat niya ang Ang Punglo ng Kaaway na itinanghal sa Teatro Rizal, Malabon noong 8 Mayo 1904. Muli siyáng dinakip. Nailathala lámang niya ang Ang Tanikalang Guinto noong 1907.
Naging editor siyá ng Araw, ang diyornal ng Legionarios del Trabajo, at noong 1928 ay ipinadalá sa China para sa isang misyon. Ilang kaibigang Tsino ang nag-imbitang muli sa kaniya sa China. Hindi na siyá nakauwi dahil nagkaroon ng problema sa kaniyang pasaporte.
Namatay siya noong 24 Disyembre 1932 sa Xiamen.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Juan Abad "