Pangunahing mandudula, peryodista, at makata sa Kapampangan si Juan Crisostomo Soto (Hu∙wán Kri∙sós∙to∙mó Só∙to), at kilala rin sa alyas niyang “Crissot,” isang aknonim na kinuha sa mga unang pantig ng kaniyang mga apelyido.


Nagsimula siya bilang manunulat para sa mga progresibong pahayagang tulad ng La Independencia, El Liberal at La Publicidad.


Mula 1906 hanggang 1917, pinamatnugutan naman niya ang ilang publikasyong Kapampangan tulad ng Ing Balen na siya ang nagtatag, at Ing Alipatpat na nagtampok ng kaniyang salin ng Noli me tangere ni Rizal sa wikang Kapampangan.


Bilang isang makata, nagwagi ang kaniyang “Lira, Dalit at Sinta” ng unang gantimpala sa pagdiriwang ng araw ni Rizal sa San Fernando noong 1917. Ang nag-iisa niyang nobela, ang Lidia (1907), ay unang nalimbag na serye sa pahayagang Ing Imangabiran na kaniya ring pinamatnugutan.


Humigit-kumulang 50 sarsuwela at drama ang naisulat ni Soto ngunit hindi naingatan ang karamihan. Nagsimula siya sa pagsulat ng mga dulang halaw sa mga banyagang akda tulad ng Ing Singsing a Bacal (mula sa El anillo de hierro).


Higit siyang nakilala sa kaniyang mga akdang makabayan, tulad ng Sigalut at Balayan at Sinta (Bayan at Pag-ibig), na kapuwa naisulat sa loob ng kulungan, ng Ing Paniu nang Sitang (Ang Panyo ni Sitang), at ng Ing Anac ning Katipunan (Ang Anak ng Katipunan).


Ang Alang Dios (Walang Diyos) ang pinakabantog niyang dula at unang itinanghal sa Teatro Sabina noong 16 Nobyembre 1902. Si Soto mismo ang nagdirihe ng Compania Sabina para sa kaniyang mga dula at tinugtog ng Orquesta Palma ang musika batay sa mga komposisyon nina Amado Gutierrez, Pablo Palma, Dionisio Andres, Jose Estella.


Isinilang si Soto noong 27 Enero 1867 at panganay sa tatlong anak nina Santiago Soto, may-ari ng mga palayan at dating alguacil mayor ng Bacolor, at Marcelina Caballa, isang mananahi.


Hindi niya natapos ang pag-aaral sa Maynila dahil nahilig magsulat at pagkuwa’y lumahok sa hukbo ni Heneral Tomas Mascardo sa Himagsikang 1896.


Una niyang naging asawa si Julia Amaida at nagkaroon sila ng anim na anak. Nang mamatay si Julia noong 1903, pinakasalan naman ni Soto si Rosario Palma at nagkaroon sila ng apat na anak.


Yumao si Soto noong 12 Hunyo 1918. Bilang parangal, ipinangalan sa kaniya noong 1926 ang Crissotan, ang bersiyon ng balagtasan sa Kapampangan, na unang itinanghal sa isang bahay sa Santa Cruz, Maynila at nilahukan nina Lino Dizon at Nicasio Dungo, at ni Amado Yuzon bilang lakandiwa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: