Katipunan
Isang lihim na samahan ito na itinatag nina Andres Bonifacio, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at iba pa sa isang bahay sa Kalye Azcarraga (ngayo’y C.M. Recto), Maynila.
Nabuo ito noong Hulyo 7, 1892, mismong araw na ipinatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan.
Kabilang sa mga layunin ng Katipunan ang, una, makamtan ng Filipinas ang kalayaan sa Espanya sa pamamagitan ng paghihimagsik; ikalawa, maipalagananap ang kagandaang-loob, kabutihang asal, katapatan, katapangan at ang paglaban sa bulag na pagsunod sa relihiyon; at, ikatlo, tulungan at ipagtanggol ang mahihirap at inaapi.
Ang Katipunan ang natatanging samahan na nakapaglunsad ng isang organisado at malawakang paghihimagsik laban sa pamahalaang Espanyol.
Tatlong lupon ang namamahala sa Katipunan—ang Kataas-taasang Sanggunian na pinamumunuan ng Pangulo; ang Sangguniang Bayan at Balangay na kumakatawan sa mga lalawigan at bayang may presensiya ang samahan; at ang Sangguniang Hukuman na lumilitis sa mga kasaping naakusahang lumalabag sa mga patakaran ng Katipunan.
Nang lumaki ang samahan kasunod ng paglalathala ng pahayagang Kalayaan, nagkaroon ng tatlong antas ng kasapi ang samahan: Bayani na siyang pinakamataas na antas, Kawal, at Katipon.
Ang Katipon ay maaaring maging Kawal kapag nakapagdala siya ng bagong kasapi sa samahan; ang Kawal ay nagiging Bayani kapag nahalal sa pamunuan ng Katipunan. Bago maging kasapi, nagdadaan sa pagsubok ang isang tao at kapag nakapasa, kailangan niyang hiwain ang sariling bisig upang ipirma ang pangalan sa sariling dugo.
Nang madiskubre ang Katipunan ng mga Espanyol, sinasabing may mga kasapi itong 30,000 hanggang 100,000 sa Maynila at mga karatig lalawigan. Mga balangay ng Katipunan ang nagsimula ng Himagsikang 1896 na kumalat mula sa Maynila hanggang hilaga at timog ng Luzon at hanggang Kabisayaan at Mindanao.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Katipunan "