Procopio Bonifacio
Dahil maagang naulila, bata pa’y tumulong na si Procopio sa paghahanapbuhay. Gumawa at nagbenta muna siya ng abaniko’t baston na pinagkakitahan ng pamilya. Pagkuwan, humanap siya ng ibang trabaho hanggang maging factor sa estasyon ng Tutuban. Nagtrabaho din ditong konduktor ng tren si Ciriaco, at sinasabing bunga ito ng koneksiyon ni Andres.
Bagaman tila nakaagapay lamang sa kaniyang kuya, malaki ang naging tungkulin ni Procopio sa Katipunan. Naglingkod siyang pinuno ng “Tanglaw,” isa sa dalawang una’t susing balangay ng Katipunan sa Tundo. (Ang ikalawa, ang “Dimasalang,” ay nasa pamumuno ni Restituto Javier.)
Noong 1895 at habang nakasakay sa barko patungong Maynila ay nakasakay niya sina Candido Iban at Francisco del Castillo, dalawang maninisid mulang Aklan, kagagaling noon sa Australia, at nagwagi sa lotto at nakumbinse niya ang dalawa na iambag ang bahagi ng napanalunan para ibili ng imprenta ng Katipunan.
Kasama siya ni Andres, Emilio Jacinto, at Candido Tirona sa lihim na paglilibot ng Cavite at nakapag-organisa ng mga balangay sa Imus, Noveleta, at Kawit. Kasama din siya ni Andres at ibang lider ng Katipunan sa pagtakas mulang Maynila noong 19 Agosto 1896 para magtipon sa Balintawak, saksi sa pagtatatag ng pamahalaang pandigma ng Katipunan noong 24 Agosto, at pagpapahayag ng Himagsikang 1896.
Nakaagapay din siya kay Andres, kasama si Ciriaco at ibang Katipunero, nang magtungo sa Cavite noong Disyembre 1896 para mamagitan sa hidwaan ng mga Magdiwang at mga Magdalo. Nasugatan siya sa ilong nang kulatahin ng kampon ni Agapito Bonzon noong 28 Abril 1897 at dakpin si Andres. Nilitis siya at isinakdal na kakutsaba sa pagtataksil ni Andres, at unang pinatay nang bitayin ang Supremo noong 10 Mayo 1897 sa Bundok Buntis.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Procopio Bonifacio "