Sino si Mariano Llanera?
Naiiba ang kaniyang bandilang itim ang kulay at may nakahiyas na puting bungo, magkakrus na buto, at titik na K. Ginugunita rin ang malikhaing taktika na ginamit niya sa paglusob sa garisong Espanyol sa San Isidro, Nueva Ecija noong sumiklab ang Himagsikang 1896.
Isinilang siya noong 9 Nobyembre 1855 sa Cabiao, Nueva Ecija kina Enrique Llanera at Juana Nuñez.
Nakapag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran ngunit walang natapos. Gayunman, dalawang ulit siyang naging capitan municipal.
Dahil isang Mason, inakusahan siyang subersibo ng kura parokong Espanyol at sinamsam ang kaniyang ari-arian. Sumapi siya sa Katipunan at nakatipon ng 3,000 tauhan sa pagsalakay sa garison sa San Isidro noong 2 Setyembre 1896.
Pumarada pa sila patungong kutang Espanyol sa tugtog ng musikong bumbong. Babagsak na sana ang bayan pagkatapos ng tatlong araw na pananalakay ngunit dumating ang saklolong 200 sundalong armado ng riple. Bago tumakas, nabaril pa niya ang kapitan ng mga guwardiya sibil.
Sinundan pa iyon ng kaniyang paglahok sa mga engkuwentro sa Bulacan, Tarlac, at Pampanga.
Noong 1 Disyembre 1896, nagtagumpay siya sa mga labanan sa Baling Kupang at Sibul, San Miguel, Bulacan. Para pasukuin siya, hinuli ng mga Espanyol ang kaniyang mga kababayan, winasak ang kaniyang tahanan, at ipiniit ang kaniyang buntis na asawa.
Nanganak sa Bilibid ang kaniyang ginang na si Salome Siao-Paco. Sa ikalawang yugto ng himagsikan, nag-organisa siya ng pamahalaang militar sa Nueva Ecija.
Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, naging komandante superyor siya ng unang batalyon sa Nueva Ecija at idinestino sa Maynila ni Hen. Antonio Luna. Pagkatapos, siyá ang namahala sa tanggulan sa Gapan at Cabiao, Nueva Ecija.
Nahuli si Llanera ng mga Amerikano at ipinatapon sa Guam. Nakabalik siya noong 26 Setyembre 1902. Muli siyang nag-asawa kay Felisa Balajadia noong 1919, at namatay noong 19 Setyembre 1942.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sino si Mariano Llanera? "