Sino si Nicolas Capistrano?


Si Nicolas Capistrano (Ni·ko·lás Ka·pis·trá·no) ay isang heneral sa Cagayan de Oro ng Rebolusyong Filipino at pinuno ng pakikipaglaban sa mga Amerikano noong 1899-1901. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, nahalal siyang diputado sa 1909 Philippine Assembly at naging senador ng distritong Surigao, Misamis Oriental, Misamis Occidental, at Bohol.


Ipinanganak si Capistrano noong 7 Enero 1864 sa baryong Marungko, Angat, Bulacan kina Francisco Capistrano at Juana Fernandez.


Nagtapos siya ng batsilyer nang may matataas na karangalan sa San Juan de Letran. Pumasok siya sa seminaryo ngunit sa ikatlong taón ay lumabas at nag-aral ng abogasya sa Unibersidad de Santo Tomas.


Nagturo siya habang nagaaral at napalahok sa kilusan para sa kalayaan. Sa panahong ito niya nakilala si Cecilia Trinidad ng Sta. Cruz, Maynila na pinakasalan magkatapos ng abogasya noong 1895.


Dahil sa pag-igting ng kilusang reblusyonaryo, inimbita silang manirahan sa Cagayan de Misamis (Lungsod Cagayan de Oro ngayon). Naging matagumpay na abogado si Capitrano sa Cagayan de Misamis.


Nang kusang umalis noong Disyembre 1898 ang mga Espanyol, ipinagdiwang ng pook ang Unang Republika ng Filipinas noong 10 Enero 1899. Ngunit di-nagtagal at dumating ang mga Amerikano. Humandang magtanggol ang Cagayan de Misamis at hinirang si Capistrano na heneral ng hukbong tagapagtanggol.


Umiwas ang hukbo ni Capistrano nang pumasok sa Cagayan de Misamis ang mga Amerikano. Gayunman, naganap ang Labanang Cagayan de Misamis noong 7 Abril 1900. Sinalakay nina Capistrano ang baraks ng mga Amerikano sa plasa (Gaston Park ngayon). Mas malakas ang mga dayuhan at umatras sina Capistrano. Maraming namatay sa pangkat na Filipino ngunit nag-iwan din sila ng apat na patay at siyam na sugatan sa mga mananakop.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin