Digmaang Filipino Amerikano
Hindi naman maikakaila na dumating sa Pilipinas ang mga Amerikano upang sakupin ito. Idinahilan lamang ng pagpunta dito noong 1898 ng plota ni George Dewey ang pakikidigma laban sa Espanya. Ngunit hindi ito umalis kahit nagapi na ng mga rebolusyonaryong Filipino sa halos lahat ng dako ng bansa ang puwersang Espanyol.
Sa halip, dumating pa ang hukbong katihan ng mga Amerikano at nagkaroon ng pakunwang paglusob sa Intramuros upang hindi ito mapasakamay ng mga Filipino. Simula pa lamang ay pabor na ang digmaan sa mga Amerikano. Samantalang kunwa’y kaalyado ng mga Filipino, binili ng Estados Unidos sa Espanya ang Filipinas sa Tratadong Paris noong 10 Disyembre 1898 sa halagang $20 milyon.
Hindi naman lingid kay Heneral Emilio Aguinaldo ang superyoridad ng hukbong Amerikano. Sa gayon, patuloy siyang nakipag-ugnayan kay Heneral Elwell Otis sa pag-aakalang mapipigilan pa ang labanan. Hindi pinansin ni Otis ang inisyatiba ni Aguinaldo, bagkus sumagot siyang “nagsimula na ang labanan, at dapat matapos hanggang sa huli.
” Bunga nito, walang nagawa si Aguinaldo kundi magdeklara ng digma sa Estados Unidos noong Pebrero 5. Sapagkat matagal nang nakahanda, mabilis na nagtagumpay ang mga Amerikano sa paglusob sa mga posisyong Filipino pahilaga.
Sa Labanang La Loma, natalo ang hukbo ni Medyor Jose Torres Bugallon at doon siya namatay. Gumanti ng atake si Heneral Antonio Luna at noong Marso 22 ay nakarating hanggang Azcarraga, Maynila.
Gayunman, umatras din ang mga Filipino pahilaga dahil sa lakas ng puwersang Amerikano. Nahati pa ang gabinete ni Aguinaldo dahil sa politika, lalo na sa alitan ni Mabini at ng pangkating awtonomista nina Pedro Paterno.
Nadawit sa intriga pati si Heneral Luna na pinaslang sa Cabanatuan noong 5 Hunyo 1899. Sa pag-atras, nakarating sa Palanan, Isabela si Aguinaldo at doon nadakip. Dinala siya sa Maynila at nanumpa ng pagsuko sa mga Amerikano noong 1 Abril 1901.
Ipinagpatuloy ng iba ang pakikibaka. Ngunit unti-unting nagapi sina Heneral Miguel Malvar, Heneral Vicente Lucban, at iba pang lider gerilyang gaya nina Simeon Ola, Roman Manalan, Manuel Tomines, at Macario Sakay. Opisyal na idineklara ni Presidente Theodor Roosevelt noong 4 Hulyo 1902 ang wakas ng Digmaang Filipino-Amerikano bagaman nagpapatuloy ang pakikibaka sa maraming pook sa Kapuluan.
Pinagmulan: NCCA Official
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Digmaang Filipino Amerikano "