Macario de Leon Sakay
Isinilang siya sa Tundo, Maynila noong 3 Enero 1870 at anak-mahirap. Diumano, isa siyang barbero at sastre. Naging manggagawa rin siya sa talyer ng kalesa at gumanap sa mga komedya.
Noong 1894, sumapi siya sa Katipunan at naging matalik na kaibigan ni Andres Bonifacio. Naging pangulo siya ng Dapitan, isa sa pinakamalakas na konseho sa kilusang mapanghimagsik. Noong 1896, pagkaraan ng labanan sa Pinaglabanan, isa siya sa mga pinuno ng Katipunerong naglagi sa kabundukan ng Marikina at Montalban.
Sa Digmaang Filipino-Amerikano, naglingkod siyang lihim na muling tagapagbuo ng Katipunan sa Maynila. Nadakip siya at nakalaya lamang nang magpahayag ng amnestiya ang pamahalaang Amerikano noong Hulyo 1902.
Nagtatag siya ng mga pangkating gerilya sa Timog Katagalugan, lalo na sa mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, at Batangas. Lumakas ang kaniyang pangkat at noon niya ipinahayag ang Republikang Tagalog na siya ang pangulo at si Francisco Carreon ang pangalawang pangulo.
Ang Republikang Tagalog ay may sariling saligang-batas, bandila, sistema ng pagkolekta ng buwis, at regular na hukbo.
Noong 1905, sa tulong ni Dominador Gomez, isang pinagtitiwalaan niyang lider manggagawa noon, ay nakumbinsi siyang sumuko. Nangako ang mga Amerikano, sa pamamagitan ni Gomez, na bibigyan ng amnestiya ang lahat ng tauhan ni Sakay. May pangako rin noon ang mga Amerikano na bubuuin ang Pambansang Asamblea kung magkakaroon ng ganap na katahimikan.
Kasama ang kaniyang mga heneral ay bumaba si Sakay mula sa himpilan sa Tanay, Rizal. Gayunman, sa isang piging sa Cavite ay bigla at pataksil siyang hinuli, ikinulong, at madaliang nilitis.
Noong Setyembre 13, 1907, binitay siya at ang isang matapat niyang heneral na si Lucio de Vega. May ilang historyador na kumikilala kay Sakay bilang isa sa mga Pangulo ng Filipinas, ngunit hindi ito kinikilala ng pamahalaan.
Noong 2008, isang rebulto ni Sakay ang pinasinayaan sa Plaza Morga sa Tundo, Maynila.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Macario de Leon Sakay "