On
Gerilya


Ang gerílya, mula sa Espanyol na guerrilla, ay isang kawal na dalubhasa sa pamumundok at biglaang pagsalakay.


Sumusunod ang mga gerilya sa isang paraan ng pakikidigma na umiiwas sa nakamihasnan at lantarang labanan ng mga hukbo.


Kadalasan, ginagamit ang taktikang gerilya ng higit na maliit at mahinàng panig sa isang digmaan, tulad ng mga nagaaklas o kayâ naman ay pagtatanggol laban sa dayuhang mananakop.


Sa Pilipinas, maaaring ipantukoy ang gerilya sa mga mandirigmang lumaban sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan. Bilang halimbawa, gumamit ng taktikang gerilya ang mga Filipino noong Himagsikang 1896 at sa sumunod na Digmaang Filipino-Amerikano.


Sa kontemporaneong panahon, maituturing din na gerilya ang mga makakaliwang insurekto laban sa pamahalaan. Ngunit mas tumitingkad ang imahen ng gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan daan-daang libong Filipino at Amerikano ang nagpatuloy ng pagtatanggol laban sa hukbong imperyal ng mga Hapon sa loob ng apat na taon nitong pananakop ng bansa.


Lalaki at babae, tigulang at matanda, kawal at sibilyan, Kristiyano at Moro at Lumad, marami sa mga Filipinong kayang magbuhat ng baril ang sumapi sa isa sa mahigit 200 samahang gerilya na nagpatuloy ng laban para sa kalayaan pagkatapos ang Labanan sa Bataan at Corregidor at pagsuko ng USAFFE.


Naging mabisa ang pagtatanggol ng mga gerilya; lubos nilang pinahirapan ang mga mananakop na Hapon at lubos ring pinadalî ang pagsalakay ng mga bumabalik na Amerikano noong “liberasyon” ng Pilipinas.


Ilan sa mga malalaking organisasyong gerilya ay ang grupo ni Macario Peralta sa Panay, Salvador Abcede sa Negros, Wendell Fertig sa Mindanao, Russell Volckmann sa Hilagang Luzon, ang Hunters ROTC sa timog Luzon, at ang Hukbalahap (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) ni Luis Taruc.


Pagkatapos ng digmaan, hindi timigil ang mga Huk sa kanilang pagkilos para sa mga pinaniniwalaan hanggang nag-alsa laban sa pamahalaan ng Republika ng Filipinas.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: