Ang Corregidor (Ko·re·hi·dór) ay isang makasaysayang isla sa bukana ng Look Maynila, sa timog-kanlurang bahagi ng Luzon. Sakop ito ng Lungsod Cavite. May haba itong 6.5 km, lapad na 2.0 km, at lawak na mahigit-kumulang 900 ektarya.


Nahahati ito sa apat na bahagi, ang Topside, Middleside, Bottomside, at Tailside. Galing ang pangalan ng pulo sa salitang Espanyol na corregir, na nangangahulugang “iwasto. Binansagan din itong “The Rock” (“Ang Bato”) dahil sa mabatong lupain at matitibay na portipikasyon.


Naging mahalaga ang isla sa kasaysayan dahil sa lokasyon nito bilang bantay ng pangunahing look at daungan ng Filipinas at ng kabisera ng bansa. Ginawa itong moog na armado ng mga kanyon at malalaking baril bilang proteksiyon laban sa mga katunggaling sasakyang pandigma.


Naging bantog ang Corregidor sa buong mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang naging huling tanggulan ng mga Filipino at Amerikano sa Luzon laban sa mga Hapon at naging pansamantalang tahanan ng Pamahalaan ng Komonwelt ng Filipinas.


Ang Labanan sa Corregidor (Mayo 1942) ang hulíng organisadong laban ng USAFFE bago ito sumuko sa mga Hapon. Namutawi ang pangalan ng isla sa mga islogang pandigma (“Remember Bataan and Corregidor!”). Nabawi ang pulo mula sa mga Hapon pagkatapos ng ikalawang Labanan sa Corregidor (Pebrero 1945).


Ngunit bago pa man ang WWII, naging mahalaga na ang Corregidor sa mga labanan para sa hinaharap ng Maynila at ng buong kapuluang Filipinas. Ginamit ito bilang pook pansuporta ng mga barkong Espanyol para sa kampanya ni Miguel Lopez de Legazpi upang makuha ang lumang kaharian ng Maynila.


Sa pamahalaang Espanyol, nagsilbi itong moog, kulungan, at estasyon ng Adwana. Sa gitna ng Corregidor at Mariveles, Bataan, umangkla ang mga sasakyang pandigma ni Limahong, ang piratang Tsino na sumalakay sa Maynila. Nakubkob din ang isla pansamantala ng mga Olandes at Briton. Naging saksi ang isla sa labanan ng mga Espanyol at ng mga Amerikano noong 1898.


Sa kasalukuyan, matatagpuan sa mga guho ng Corregidor ang ilang memoryal at pananda sa kabayanihan ng mga mandirigmang Filipino at Amerikano noong WWII. Kabilang sa mga ito ang Malinta Tunnel, ang hulíng tanggulan ng USAFFE sa isla, na ngayon ay nagtatampok ng isang obra ng direktor at Pambansang Alagad ng Sining na si Lamberto V. Avellana.


Ang Corregidor ang isa sa pinakamahalagang pook pangkasaysayan at panturista ng bansa.


Ang Corregidor ang pinakamalaki sa mga islang nagbabantay sa bukana ng Look Maynila, kasama ang Caballo, Carabao, at El Fraile. Bahagi ang Corregidor at Caballo ng mga labí ng isang bunganga ng bulkan, ang Kaldera ng Corregidor. Sinasabi ng PHIVOLCS na maaari pa ring sumabog ang bulkang ito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr