Makasaysayang pook sa San Juan, Metro Manila ang Pinaglabanan. Dito naganap, noong 29 Agosto 1896, ang unang sagupaang bahagi ng Himagsikang Filipino. Nagsimula ang labanan nang iniutos ni Bonifacio na salakayin ang polvorin o imbakan ng pulbura’t armas ng mga Espanyol na binabantayan ng 100 sundalong Espanyol at Filipino sa may San Juan.


Sinugod ng 1,000 Katipunerong salat sa armas at karanasan ang himpilan ng mga Espanyol at Filipinong sundalo nang ikaapat ng umaga. Paulit-ulit na napigilan ng mga tagapagtanggol ang pagsalakay ng mga Katipunero. Nang mapatay ang kanilang pinunò ay nagtago ang mga sundalo ng rehimeng Espanyol sa El Deposito, isang lumang reserba ng tubig para sa Carriedo. Dito nila hinintay ang pagdating ng ika-70 rehimyento mula sa Maynila na binubuo ng mga Filipinong sundalo sa ilalim ni Heneral Bernardo Echaluce.


Matapos ang ilang oras, bago magtanghali, dumating ang ika-70 rehimyento sa kabila ng pagtatangkang hadlangan ang nasabing puwersa ng mga Katipunero ng Santa Ana, Mandaluyong, Santolan, at Pandacan sa ilalim ni Sancho Valenzuela. Matapos ang pagkamatay ng 80 nilang kasama, dagliang nagsitakas ang mga Katipunero patungong Ilog Pasig. Doon sila inabangan ng mga kalaban na pumaslang sa 50 at nakadakip ng 240 Katipunero, kasama si Sancho Valenzuela. Pagkatapos ng sagupaan, dagliang idineklara ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang batas militar sa walong probinsiya sa Luzon. Matapos ang limang araw, nasentensiyahan at pinabaril si Valenzuela at apat pang pinunò bunga ng kanilang paglahok sa nasabing labanan.


Bilang paggunita sa nasabing makasaysayang labanan, itinayô noong 1973 ang Dambana ng Pinaglabanan, isang bantayog na nása anyo ng isang babaeng nakatindig na tila lalaban at dalawa pang nakalugmok na anyo.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr