Ilog Pasig
Isa sa mga pinakabantog na ilog sa Pilipinas ang Ilog Pasig.
May makulay itong alamat at kuwentong-bayan, gaya ng kuwentong Donya Geronima, at paksa ng isang bantog ding kundiman, ang “Mutya ng Pasig.” Nagtapos dito ang Noli me tangere sa isang nakahihindik na tagpo ng pagtakas ni Ibarra at nagsimula dito ang El filibusterismo sa isang nakaaaliw na biyahe ni Simoun kasama ang ilang pangnahing tauhan ng nobela.
May habang 25 kilometro, nagmumula ito pahilagang-kanluran mula sa Lawang Bai o Lawang Laguna, ang pinakamalaking lawa sa Filipinas, patungo sa Look Maynila. Mula sa lawa, dumadaloy ito sa Lungsod Taguig at sa Taytay, Rizal bago pumasok sa Lungsod Pasig.
Dumadaan din ito sa tributaryo ng Ilog Marikina na tinatawag na Ilog Napindan o Napindan Channel. Dito ay gumagawa ng hanggahan ang Ilog Pasig sa pagitan ng Lungsod Makati sa timog at Lungsod Pasig, kasunod ng Lungsod Mandaluyong sa Hilaga.
Matapos nito ay matalas lumiliko ito pahilagang-silangan at nagiging hanggahan naman ng Mandaluyong at Maynila bago pumakanluran ulit. Dito ay sumasanib ito sa isang pang tributaryo, ang Ilog San Juan, at babaybay nang paliko-liko patungo sa gitna ng Maynila, deretso sa Look Maynila.
Itinuturing na estratehiko ang lokasyon ng Ilog Pasig. Sa pampangin nito itinatag ang mga sinaunang pamayanan, kabilang na ang Namayan sa Sta. Ana ngayon at mga kaharian nina Raha Sulayman at Raha Lakandula.
Sa bunganga ng ilog itinatag ang Intramuros at sentro ng kolonyalismong Espanyol. Sa buong panahon ng pananakop na Espanyol, ang ilog ang pangunahing daluyan ng transportasyon at komersiyo mula-patungong Maynila at mga karatig lalawigan. Nasa isang gilid nito ang Malacañang, ang palasyong tirahan ng Pangulo ng Pilipinas.
Tinatawid ang ilog ng kabuuang 16 tulay. Mula sa Laguna de Bay, unang tulay ang Tulay Napindan, kasunod ang Tulay Arsenio Jimenez. Tinatawid ng Tulay Bambang ang Napindan Channel sa Pasig. Kasunod ang Tulad C-5 na nag-uugnay sa Makati at Pasig at ang Tulay Guadalupe ng EDSA sa pagitan ng Makati at Mandaluyong at nasa ibabaw ang Blue Line o Linya 3 ng Metro Rail Transit (MRT). Pinag-uugnay naman ng Tulay Rockwell at Tulay Hanggahang Makati-Mandaluyong ang Makati at Mandaluyong at dulo ng Makati Avenue.
Sa Maynila, pinakasilangang tulay ang Tulay Lambingan sa distrito ng Sta. Ana, kasunod ang TulayPadre Zamora sa pagitan ng Pandacan at Sta. Mesa kasama ang patimog na linya ng Philippine National Railway (PNR).
Ang Tulay Mabini (Tulay Nagtahan noon) ay nagtatawid sa Nagtahan Avenue at bahagi ng C-2. Iniuugnay ng Tulay Ayala ang Ayala Boulevard at ang Isla de Convalescencia sa magkabilâng panig. Paluwas, matatapuan ang Tulay Quezon mula Quiapo pa-Ermita, ang tulay ng LRT Yellow Line, ang Tulay MacArthur mulang Sta, Cruz patungong Ermita, at ang Tulay Jones mulang Binondo patungong Ermita.
Ang huling tulay sa bunganga ng Ilog Pasig ay ang Tulay Roxas (Tulay Del Pan noon) mula Tundo patungong Port Area.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ilog Pasig "