Ang salitang mutya ay mayroong ilang pakahulugan:

  1. perlas,
  2. ang pinakatatangi o musa, sinta o irog, at
  3. anting-anting.


Sa unang pakahulugan, ang orihinal na kahulugan ng mutya. Ito ang ibig sabihin ng pagtawag sa Pilipinas bilang Mutya ng Silangan.


Higit na naging karaniwan ang pangalawang pakahulugan, ang mutya bilang pinakatatangi, sinta, o irog. Sa ganitong diwa, ikinakabit ang mutya sa imahen ng babaeng minamahal. Sa tula o awit ng isang mangingibig, ang mutya ay sinusuyo, hinaharana, dinadambana.


Ngunit maaari rin itong tumukoy sa babaeng pinagkaitan ng tunay na pag-ibig o bayang tinanggalan ng kalayaan gaya ng nangyari sa kundimang “Mutya ng Pasig” na kinatha ni Deogracias Rosario sa musika ng kompositor na si Nicanor Abelardo.


Ang naturang awitin ay naging inspirasyon naman ng pelikulang may gayunding pamagat. Nauwi sa kasawian ang kapalaran ng karakter na si Chedeng, ang mutya (reyna ng pista) sa kanilang bayan. Bagaman sa pelikula ay nalunod sa Ilog Pasig si Chedeng dahil sa kalupitan ng kaniyang asawa, nananatiling buhay ang kaniyang kaluluwa.


Siya’y nagmulto upang iparinig ang hinagpis sa kaniyang malulungkot na awitin gaya na mahihiwatigan sa sumusunod na saknong:


Ang lakas ko ay nalipat,


Sa puso’t dibdib ng lahat;


Kung nais ninyong ako’y mabuhay,


Pag-ibig ko’y inyong ibigay.


Ginagamit din ang salitang mutya bilang taguri sa diwata o diyosa ng mga bukal, ilog, lawa, at karagatan o di kaya’y tagapangalaga ng isang lunan. Ang mga diwatang ito ay maaaring magbigay ng anting-anting sa masuwerteng nilikha. Ang ganitong anting-anting ay tinatawag ding mutya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr