Ang diwata, batay sa mitolohiyang Filipino, ay tumutukoy sa sinaunang babaeng bathala, o kaya’y nilalang, nasa anyong babae, na nagsisilbing tagapangalaga ng mga likas na yaman at kaligiran.


May iba’t ibang mahiwagang kapangyarihan ang mga ito at ginagamit upang magligtas ng pinangangalagaan o magparusa sa nagkasala.


Laganap sa bansa ang paniniwala sa mga diwata at patunay nito ang iba’t ibang terminong tumutukoy sa mga ito. Kabilang dito ang engkantada, nímpa, at diyosa (lahat ay mula sa Espanyol), aribaí (Iluko), at biradári (Maranaw).


Kadalasan namang tinatawag na lambino o kaya nama’y engkanto ang lalaking diwata. Malapit sa tunog at pakahulugan ng diwata ang devata na hango sa mga paniniwalang Hinduismo at Budismo sa India kung kaya’t marami ang nagsasabing mula sa Sanskrit ang terminong diwata.


Ayon sa mga salaysay, ang diwata ay may pambihirang kagandahan at tila hindi tumatanda. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit tinatawag ding diwata ang babaeng may angking kagandahan, lalo na sa panlabas na anyo.


Ilan sa mga bantog na diwata sa Filipinas ay sina Maria Makiling (Laguna), Maria Sinukuan (Pampanga), at Maria Cacao (Cebu).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: