Pagdiwata
Pagdiwata
Ang pagdiwatà o inim ay isang ritwal na ginagawa ng mga Tagbanwa sa Palawan. Ito ay pinangungunahan ng isang babaylan na nakasuot ng isang ulindungan, armado ng palaspas at patalim at sinasabayan ng pagtugtog ng kampanilya. Kadalasan itong ginagawa kapag kabilugan ng buwan at tumatagal ng 8-12 oras para imbitahan ang mga diyos, lalo na si Mangindusa, na makisalo sa pista. Iba’t iba ang mga rason para sa pagsasagawa ng ritwal na ito. Maaaring ito ay para sa pagpapagalíng ng maysakit ; paghingi ng isang masaganang ani o matagumpay na pangangaso ; at pasasalamat sa matagumpay na ani o pangangaso, pangakalahatang kabutihan ng nayon, at pagpapaalis ng masasamang ispiritu.
Maraming bagay ang iniaalay sa ritwal na ito, katulad kanin, kakanin, alahas, luya, sibuyas, paminta at kandila. Ang pinakaimportante sa lahat ng alay ay ang tábad (alak mula sa bigas) dahil ito ang nakakaakit sa mga diyos para makisali sa pista. Dahil diumano ito sa pangyayaring ang tabad ang tanging hindi matatagpuan sa mundo ng mga espiritu. Bukod pa rito, ito ang nagdurugtong sa iba’t ibang bahagi ng ritwal tulad ng pagkanta at pagsayaw. Lahat ng mga alay ay inilalagay sa madetalyeng mga altar na gawa sa kawayan. Ang mga altar na ito ay nakalagay sa loob at labas ng mga tahanan ng mga Tagbanwa.
Bukod sa pagsasayaw ng babaylan sa katangian ng mga diyos na sumasapi rito, nagkakaroon din ng pagsisindi ng sigarilyo na sumasagisag sa apoy ng mga diyos. Pinalulutang din ang isang pagong sa tabad na sumasagisag naman sa pagbisita ng isang espiritu na nilalabanan ang mga epidemya. (JDP)
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pagdiwata "