On
pista

Pista


Ang pista (mula sa Espanyol na fiesta) ay isang malaking pagdiriwang bilang paggunita sa isang mahalagang araw, karaniwang sa kaarawan ng patron ng baryo o bayan. Bahagi ng pagdiriwang ang prusisyon, parada, paligsahan at palaro, sayawan, kainan, programang kantahan, palabas na dula, at pagnonobena sa ngalan ng patron na ipinagdiriwang.


Ayon sa kasaysayan, ang pistá ay bahagi ng sinaunang pasalámat para sa pangangalaga ng mga diwata at espiritu ng mga ninuno. Isinalin ito ng mga Espanyol sa pagdiriwang ng mga santo”t santang patron ng Simbahan. Tradisyonal na gawaing pampista noon ang misa, nobena, prusisyon, at handaan. Nadagdag na kasayahan ang mga parada, palaro, at palabas. Nagiging magarbo ito kapag todo ang paghahanda sa mga tahanan, paligsahan sa maarteng parada, paramihan ng bánda ng musiko, at patalbugan sa magastos na programa’t palabas. Tinangka itong ipagbawal dahil magastos para sa isang bansang naghihikahos, ngunit hindi nasawata.


Naging kasangkapan ang pistá sa patuloy na pag-iingat ng tradisyonal na dulang komédya, tradisyonal na pagkain, laro, at sining, at ibang kaugaliang Filipino. Nagiging pang-akit naman ngayon sa mga turista ang iniimbentong mga sayáw panlansángan (street dancing), na nilalahukan ng mga barangay at institusyon sa bayan at isinasáma sa parada.


Pinagmulan: NCCA official via Flickr