Dula
Isang lumang salita ang dula ngunit bago ang kahulugan nitong itinumbas sa drama ng mga wikang Espanyol at Ingles. Sa mga lumang bokabularyo, naitala ni Francisco de San Antonio noong 1624 ang dola sa kahulugang “juntarse para algĂșn convite” (“magtipon para sa isang ipinag-anyayang piging o okasyon”).
Bunga ito ng pangyayaring walang matatawag na dula sa Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. May mga pangyayaring tulad ng ritwal, pangkatang awitan at sayawan, at katulad, na maaari lamang ituring na maladula (protodrama) dahil kulang sa mga kailangang sangkap ng dramang Kanluranin.
Ipinasok ng mga Espanyol sa Filipinas ang dula bilang anyong pampanitikan. Pinakaunang naiulat ang isang pagtatanghal sa isang kolehiyo sa Cebu noong 1598. Ito ang tipo ng dula na tinatawag na komedya (comedia) at maituturing na unang pambansang dula dahil lumaganap sa mga pook na Kristiyano sa buong bansa. Tinawag din itong moro-moro at nagkaroon ito ng mga sanga sa senakulo, tibag, panunuluyan, at iba pang dulang panrelihiyon.
Sa ika-19 siglo pumasok ang zarzuela, opera, at iba pang panoorin mulang Europa. Kinagiliwan sa lahat ang anak ng zarzuela na sarsuwela at naging pambansang dula sa bungad ng ika-20 siglo.
Sa panahon ding nabanggit ipinasok ng mga Amerikano ang “drama” na walang kantahan at ang uri ng dula na gumagamit ng mga imbensiyong teknolohiko sa radyo, pelikula, at telebisyon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Dula "