Amerikano
Ang Amerikano ay pangkalahatang tawag sa mga tao sa kontinenteng Amerika, bagaman naging karaniwang tawag ito, lalo na sa Filipinas, sa mamamayan ng Estados Unidos (United States o US).
May pinaikling tawag pa sa kanila na “Kano.” May iba’t ibang lahi at etnisidad ang mga mamamayan ng Estados Unidos, mula sa mga katutubong Indian hanggang sa mga líkas mulang Europa at Afrika. Gayunman, malimit na ikinakapit ang Amerikano o Kano sa may kulay na Putì na mamamayan ng US.
Ikalawa ang mga Amerikano sa kolonyalistang sumakop ng bansang Filipinas at naganap ito mula 1898 hanggang 1946. (Ikatlo kung isasaalang-alang ang maikling panahon ng pagsakop ng mga Ingles.)
Sa pamamagitan ng Kasunduang Paris ng 1898, napasakamay ng Estados Unidos ang Filipinas, Cuba, Puerto Rico, bahagi ng West Indies, at Guam sa halagang $20 milyon.
Idineklara noong Disyembre 1898 ni Pangulong William McKinley ng Estados Unidos na magaganap ang isang benevolent assimilation sa Filipinas sa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika.
Ipinatupad ng mga Amerikano ang mahahalagang batas tulad ng Batas Jones ng 1916 at Batas Tydings-McDuffie ng 1934 na nagdulot ng pagkakatulad ng sistemang pampolitika ng Filipinas at ng Estados Unidos.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1942, naagaw ng bansang Hapones sa mga Amerikano ang kontrol sa Filipinas. Dahil dito, umalis sa bansa si Heneral Douglas MacArthur at muling bumalik noong 1944. Noong 4 Hulyo 1946 kinilala ng Amerika ang kasarinlan ng Republika ng Pilipinas.
Maikli lamang ang direktang pamamahala ng mga Amerikano sa Filipinas kung ikokompara sa 300 taon ng kolonyalismong Espanyol. Subalit higit na epektibo ang isinagawang “Amerikanisasyon” sa mga Filipino.
Sa loob ng ilang dekada at sa pamamagitan ng mga kasangkapang pangedukasyon ay nagkaroon ng isang henerasyon ng mga Filipino na ganap na sumasamba sa superyoridad at kapangyarihan ng Estados Unidos sa lahat ng aspekto ng pamumuhay.
Tinuligsa itong pambansang “mis-edukasyon” ni Renato Constantino, ngunit hanggang ngayon ay maraming isinasaloob ang kanilang bansag na “Amboy” (American Boy) at ipinagmamalaki ang kadalubhasaan sa Ingles at kulturang Amerikano sa kabila ng nagdaang matinding panahon ng aktibismo laban sa kolonyalismong Amerikano.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Amerikano "