plaza mckinley

Unang tinawag na Plaza Mayor, ang Plaza McKinley ang historic open space na matatagpuan sa harapan ng Katedral ng Maynila. Sa pagbuo ng Intramuros noong 1571, ang Plaza Mayor ang naging pangunahing tagpuan ng mga naninirahan sa Intramuros. Sa timog na bahagi ng plaza matatagpuan ang Katedral ng Maynila, ang Palacio del Gobernador sa kanluran, at ang Ayuntamiento sa silangan. Ang disenyo ng Plaza ay alinsunod na rin sa kautusan ni Haring Felipe II noong 13 July 1573 sa pamamagitan ng Laws of the Indies na nagtatakda sa ayos ng mga pueblo na nakabatay sa plaza complex. Ang Plaza Mayor ang siyang naging modelo ng lahat ng bayan sa Pilipinas sa pagkakatatag ng mga kanya-kanyang bayan.


Nang dumating ang mga Amerikano, pinalitan nila ang pangalan ng plaza bilang Plaza Mckinley kasunod ng pagpanaw ng pangulong William McKinley noong 1901. Tuluyan itong pinangalanang Plaza de Roma noong 1961 kasunod ng paghirang kay Rufino J. Santos bilang kauna-unahang Pilipinong Kardinal. Ito rin ay pagpaparangal sa Sacred College of Cardinals ng Roma. Sa parehong dekada, pinalitan ang rebulto ni Carlos IV ng monumento ng GOMBURZA subalit naibalik ulit ang rebulto ni Carlos IV noong 1981 kabilang sa pagpapanumbalik ng Intramuros at ang monumento ng GOMBURZA ay inilipat sa Pambansang Museo ng Pilipinas.


Kinilala ng Philippines Historical Research and Markers Committee (PHRMC) na Grade II-Panandang Kasaysayan ang Plaza Mckinley noong 1934. Sa kasalukuyan, ang Plaza ay nasa pamamahala ng Intramuros Administration.


Ngayong Buwan ng mga Pambansang Pamana, magbabahagi ang NHCP ng ilan sa mga natatanging pamanang istruktura na kinikilala nito sa isang deklarasyon o kaya’y panandang pangkasaysayan. Para sa dagdag pang kaalaman, bisitahin ang National Registry of Historic Sites and Structures sa link na ito https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph/


Pinagmulan: @nhcpofficial


Mungkahing Basahin: