Ang pagdating ng mga unang Pilipino sa Amerika


Alam ninyo bang bago pa man naging isang soberanyang bansa ang Estados Unidos, may mga Pilipino nang nakatapak sa kasalukuyang bansang Amerika?


Sa araw na ito, Oktubre 18,  noong 1587, dumating sa Morro Bay sa kasalukuyan estado ng California sa Amerika ang mga Pilipinong tripulante ng galleon na Nuestra Señora de Esperanza, na pinamunuan noong araw na iyon ng Espanyol na si Pedro de Unamuno.


Kasama sa paglapag ng mga unang Pilipinong iyon sa kasalukuyang California ang iba pang mga crew ng nasabing galleon, kasama na si Alonso Gomez, labindalawang sundalong Espanyol, tatlong Dominikanong prayle at isang binatang Hapones, para hanapin ang alternatibo at mas mabilis na rutang pangkalakalan papuntang Mexico.


Parte kasi ang nasabing galleon ng Manila-Acapulco Galleon Trade, at namalagi ang mga tripulante ng Nuestra Señora de Esperanza para mangalap ng mga suplay, at saka okupahin ang lugar sa ngalan ng Hari ng Espanya.


Naging maayos rin ang pakikitungo ng mga dayo sa mga katutubong naninirahan sa lugar na iyon, pero hindi rin sila nagtagal roon dahil sa engkwentrong nangyari sa pagitan ng mga katutubong Chumash. Napatay sa sagupaang ito ang isang Espanyol at isang Pilipino. Napilitang umalis ang mga natirang crew ng barko pagkatapos ng sagupaan sa pagitan ng mga katutubo, at nagpatuloy sa kanilang destinasyon papuntang Acapulco.


Hindi man naging maganda ang unang paglapag ng mga Pilipino sa Amerika, itinuturing pa ring makasaysayan ang unang pagdating ng ating mga kababayan sa itinuturing nila noong Bagong Mundo, na hindi naulit hanggang noong 1595.


Taong 1763 naman nang itinatag sa kasalukuyang Louisiana ang kauna-unahang permanenteng pamayanang Pilipino sa labas ng Pilipinas.


Sanggunian:
• Chua, P. (2018, November 30). The fascinating story of the first Filipinos in America. Esquire Philippines. https://www.esquiremag.ph/the-good-life/pursuits/first-filipinos-in-america-history-a00208-20181130
• Wikipedia (n.d.). Landing of first Filipinos. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Landing_of_the_first_Filipinos


Mungkahing Basahin: