Kalakalang Galeon
Isa sa mga rason kung bakit gustong manatili ng mga Kastila sa Pilipinas ay dahil sa kalakalang galeon. Malaki ang kita sa kalakalang ito, at yumaman ang mga Kastila dahil dito. Ang kalakalang galeon ay tumawid sa Karagatang Pasipiko at ini-ugnay ang Asya sa Mexico at Europa.Ang salitang “kalakalan” ay tumutukoy sa pag bili at pag benta ng mga kalakal, katulad ng pag bili mo ng pagkain sa tindahan. Sa kalakalang galeon, ang mga kalakal ay inihatid sa mga barkong galeon. Samantala, ang “puwerto” naman ay isang lugar kung saan pwede dumaong ang mga barko para maghatid o magkarga ng mga kalakal. Ang puwerto ng Maynila ay mahalaga sa Kalakalang Galeon.
Noong 1565, si Andres de Urdaneta ay naglayag mula Cebu papuntang Acapulco at dito niya natuklasan ang ruta mula sa Karagatang Pasipiko papuntang Mexico.
Ipinangalan ang kalakalang ito sa malalaking barkong galeon na karamihan ay ipinagagawa ng pamahalaang Espanyol sa lalawigan ng Cavite at sa iba pang bahagi ng Filipinas sa pamamagitan ng sapilitang pagtatrabaho ng libo-libong katutubong Filipino.
Bago pa dumating ang mga mananakop na Espanyol, ang mga Filipino ay mayroon nang pakikipagkalakalan sa mga bansang Tsina, Hapon, Siam, India, Cambodia, Borneo, at Moluccas.
Ipinagpatuloy ng pamahalaang Espanyol ang relasyong pangkalakalan sa mga bansang ito, kung kaya’t ang Maynila ay naging sentro ng komersiyo sa Silangan.
Isinara ng mga Espanyol ang mga pantalan ng Maynila papunta sa ibang bansa maliban sa bansang Mexico. Dito nagsimula ang kalakalan ng Maynila at ng Acapulco, na tinawag na Kalakalang Galeon.
Ang kalakalang ito ang naging pangunahing pinagmulan ng malaking kíta ng kolonyalistang Espanyol sa bansa.
Umabot sa 110 galeon ang naglayag sa loob ng 250 taon (1565-1815). Hanggang 1593, mahigit tatlong barko ang naglalayag mula at patungo sa mga pantalan ng Maynila at ng Acapulco.
Ang kalakalang ito ay naging kapaki-pakinabang at naging dahilan upang magpetisyon kay Haring Felipe II ang mga mangangalakal sa Sevilla sa Espanya na protektahan ang monopolyo ng “Casa de Contratacion” na nakabase sa Sevilla.
Dahil dito nagpalabas ng kautusan noong 1593 na nagtatalaga nang dalawang galeon lamang ang maaaring maglayag kada taon mula sa dalawang pantalan.
Ang isa ay naglalayag mula Acapulco papuntang Maynila na may 500,000 pisong halaga ng mga kalakal, at ang ikalawa naman ay naglalayag mula Maynila papuntang Acapulco na may kargadang produktong nagkakahalaga ng 250,000 piso.
Sa ganitong limitasyon, kinailangan ang paggawa ng pinakamalalaking galeon na gawa sa pinakamatitibay na kahoy sa Filipinas at makapagsasakay ng mabigat na kargamento at mga pasahero.
Naging sanhi din ito ng talamak na korupsiyon sa gobyerno. Napabayaan din lalo ang mga probinsiya dahil ninais ng mga opisyal na lumahok sa kalakalan.
Ang Kalakalang Galeon ay nagtapos noong 1815, ilang taon bago lumaya ang bansang Mexico mula sa pananakop ng Espanya noong 1821.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kalakalang Galeon "