On
Kabyaw ang tawag sa proseso at kasangkapang ginagamit sa paggiling ng tubo para gawing asukal. Tinatawag ding kabyawan ang kasangkapan at ang lugar na gilingan ng mga tubo.


Nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, pinalaganap nila ang pagtatanim ng tubo na ginagawang asukal. Dumami ang aning tubo sa iba’t ibang panig ng Filipinas lalo na sa Negros, kaya nagsimula nang magangkat sa iba’t ibang panig ng mundo.


Nang dumating ang mga Amerikano, muscovado ang iniaangkat ng Filipinas sa pandaigdig na pamilihan. Ngunit dahil mas mabili ang repinadong asukal, nagtatag ang mga Amerikano ng mga kabyawan. Hindi bababa sa 38 ang bilang ng kabyawan sa buong Filipinas ngayon. Ilan dito ay panahon pa ng mga Amerikano.


Ang Central Azucarera de Don Pedro sa Nasugbu, Batangas ang pinakaunang itinayo sa Filipinas at ang Manaoag Sugar Central ng Hind Sugar Company sa Manaoag, Pangasinan ang pinakaunang makabagong kabyawan na itinatag ng mga Amerikano.


Sa panahon din ng mga Amerikano naitatag ang Philippine Sugar Association (Philippine Sugar Millers Association ngayon) noong 1922, isang organisasyon ng mga prodyuser ng asukal. Pangunahing gawain nila ang magsaliksik sa pagpapaunlad ng industriya ng asukal sa bansa at sila rin ang nakikipag-uganay sa Estados Unidos hinggil sa pagluluwas ng asukal mula sa Filipinas.


Pinagmulan: NCCAOfficial | Flickr


Mungkahing Basahin: