Ang Catalogo Alfabetico de Apellidos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria y Zaldua


Avenido, Aguirre, Acosta, Fernandez, Lucero, Morales, Luna, Claveria, Hidalgo, Mercado, Quejado, Santos, Toledo, Zulueta, at iba pa. Kung mayroon kang kaparehong mga nabanggit na apelyido kahit hindi niyo kamag-anak, malamang isa sa pinanggalingan ng inyong apelyido ay ang aklat ng talaan ng mga banyagang apelyido, ang Catalogo Alfabetico de Apellidos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria y Zaldua.


Ipinatupad ni Gobernador-Heneral Claveria sa araw na ito noong 1849 ang isang kautusan na nag-iisyu ng mga banyagang apelyido na nakapaloob sa nasabing katalogo, at ipapamahagi sa bawat mga lalawigan sa buong bansa upang ipagamit sa mga Pilipino bilang mga bagong apelyido nila. Sa sistemang ito, bawat mga gobernador ng lalawigan ay may mga listahan ng mga apelyido at ibibigay ang ibang bahagi ng listahan sa kura paroko o di kaya sa cabeza de barangay, at saka bawat pinakamatandang miyembro ng pamilya ay papipiliin ng kanilang apelyido at saka ang napili nilang apelyido ay irerehistro bilang tanda na tinatanggap nila ang kanilang napiling apelyido.


Ang mga banyagang apelyidong nasa katalogo ay batay sa mga pangalan ng bulaklak, kilos at pag-uugali ng tao, lugar at iba pa. Sa isang banda, hindi kasama sa mga magpapalit ng apelyido ang mga pamilyang may dugong Tsino o may apelyidong mula sa mga katutubong pangalan o mula sa angkan ng mga katutubong aristokratiko sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Espanyol, gaya ng Makapagal, Lakandula, Salamat at iba pa.


Ipinatupad ito ni Gobernador Claveria upang mas mapadali ang pagsesenso o census sa bilang ng populasyon sa buong bansa, at para sa mas madaling pagtatala ng mga magbabayad ng buwis.


Sa nasabing kautusan, sinumang hindi gumagamit ng banyagang apelyido o nagpalit ng kanilang apelyido nang walang pahintulot ay mabibilanggo, at ituturing na walang bisa ang anumang kasulatan nang wala ang kanilang ibinigay o tinanggap na apelyido. Maliban na lang kung ang apelyidong ginagamit ng isang pamilya ay ginagamit na sa loob ng apat na henerasyon, dapat ay gagamitin ng bawat pamilya ang kanilang ibinigay na apelyido.


Mungkahing Basahin: