pamahiin

Ano ang pamahiin?


Ang pamahiin ay kalipunan ng mga paniniwalang ginagamit ng maraming tao bilang gabay hindi lamang sa mga pang-araw-araw na gawain kundi maging sa mahahalagang pasiya. Ang mga paniniwalang ito ay maaaring nakasalig sa kaugalian, relihiyon, at palagay ng mga grupo ng tao, o kayâ naman ay bunga ng simpleng pagkakataón, at maaari rin namang nakabatay sa siyentipikong tuklas. Kayâ naman ayon sa mga pag-aaral sa pamahiin, kadalasan ay masasalamin sa mga paniniwalang ito kung ano ang pinahahalagahan ng mga Filipino, gayundin kung paano tayo nakaaangkop sa mga bagay na hindi natin agad na maipaliwanag. Kadalasan din itong tinatawag na superstisyon o kayâ naman ay paniniwalang-bayan (folk belief). Tinatawag itong aríya at mantalà sa Kapampangan, isnán, pahíim, at tagalhí sa sinaunang Tagalog. Samantala, bilang pagpapatunay sa pagsandig natin sa sinaunang paniniwala, tinatawag ring aníto ang pamahiin sa Bikol, Hiligaynon, Ilokano, at Tagalog.


Iba-iba ang sakop ng pamahiin sa bansa. Narito ang ilang halimbawa. Hinggil sa pag-ibig: Huwag magregalo ng panyo dahil ikaiiyak lamang niya ito; hinggil sa pagkain: May bibisitang babae sa tahanan kapag may nalaglag na kutsara, lalaki naman kapag tenedor ang nalaglag; hinggil sa batà: Hindi tatangkad ang batang palaging nalulundagan; hinggi sa pagbubuntis: Ibigay sa isang buntis ang anumang nais upang hindi malaglag ang bata; hinggil sa sakit: Huwag matulog nang basâ ang buhok dahil maaaring ikabaliw; hinggil sa pera: May darating na pera sa tuwing makakakita ng malaking gagamba sa loob ng tahanan; hinggil sa tahanan: Maiging magsimulang magpatayô ng bahay sa kabilugan ng buwan; hinggil sa kulay: Lapitin ng aksidente ang mga pulang kotse; hinggil sa numero: Malas ang numerong 13; at hinggil sa hayop: masamâng babala kapag may tumawid na itim na pusa sa daraanan.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: