Pabasa
Ang pabása ay isang ritwal ng pag-awit ng Pasyón—ang patulang pagsasalaysay sa búhay, kamatayan, at uling-pagkabuhay ni Hesukristo— tuwing Mahal na Araw sa Pilipinas. Para sa ilang pamilya, ang pagdaraos ng pabasa ay isang panata at kayâ ginaganap ito sa kanilang tahanan, malimit sa harap ng bahay at sa lilim ng isang napapalamutihang damara na may pansamantalang altar. Gayunman, ang tradisyonal na pabasa ay idinadaos sa mga kapilya sa maraming nayon at bayang Katoliko.
Dahil tuloy-tuloy ang pabasa, umiinom ng salabat ang mga umaawit ng pabasa upang mapanatili ang kanilang boses. May inihahanda ring pagkain ang maypabasa para sa mga bumabása at ibang tagapakinig. Kung sa kapilya, may nakatokang mga pamilya sa nayon para magpakain sa umaga, tanghali, at hápon, pati na sa mga meryenda.
Dahil sa mahabàng tradisyon, may iba’t ibang himig na ginagamit sa pagawit ng Pasyon. May masiglang himig, malimit na gamit ng mga kabataan, at tinatawag na tres kaida o treskeda. May malumbay at mabagal na mga himig. May himig na maririnig lámang sa Marinduque at may himig na higit na ginagamit sa Bulacan at Nueva Ecija. Hindi rin maiwasan na may kabataang ngayong magpasok ng himig ng awiting popular at makabago sa pabasa.
May pamahiin na kailangang hindi inihihinto ang pabasa hanggang Biyernes Santo. Kayâ palit-palit ang mga pangkat na imbitado (kung sa pribadong pook) o namamanata (kung sa kapilya) upang hindi malagot ang pag-awit, lalo na pagkaraan ng hatinggabi. Sa ilang pook, ginagawang maringal ang hulíng araw, ang Biyernes Santo, sa pamamagitan ng paligsahan sa paghábi—isang paraan ng masalimuot na paghimig sa estropa ng Pasyon. Ibinibitin ng manghahabi ang pagtapos sa hulíng taludtod ng binabasang saknong at isinisingit ang isang buong melodiya ng isang popular o tradisyonal na kanta. (KLL)
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pabasa "