Orasyon
Mula sa Espanyol na oracion na maaaring tumukoy sa “talumpati” o “dasal,” ang orasyon ay isang kaugaliang Kristiyano na huminto sa ginagawa pagsapit ng takipsilim, lumuhod o humarap sa gawing simbahan, para manalangin.
Inihuhudyat ito ng mabagal na pagtugtog ng batingaw sa simbahan pagsapit ng ikaanim ng gabi. Ang tugtog ng kampana at ang oras ng pagtugtog ay tinatawag ding orasyón. Ang panalangin ay karaniwang nauukol sa pagpapasalamat sa tinamong biyaya sa nagdaang maghápon. Pagkatapos magdasal, nagsisipagmano ang nakababatà sa mga nakatatanda sa paligid.
May matandang paniwala na kahit ang mga butiking bahay ay sumasamba sa orasyon. Bunga ito ng pangyayaring totoong bumababa sa lupa ang mga butiki at tila humahalik sa lupa kapag sumisimsim ng lamig o hamog.
Orasyon din ang tawag sa maikling dasal na pinaniniwalang mahiwaga dahil nakapagpapagalíng sa maysakit o nakapagliligtas sa panganib.
Isa itong kasangkapan sa panggagamot ng albularyo at ibinubulong-bulong kapag may ginagamot. Inuusal din itong tila agimat kapag inaakalang nása bingit ng panganib.
Walang nakaiintindi sa orasyón sapagkat malimit na pinaghalò-halòng salitâng Latin, Espanyol, at katutubo. Ipinamamana naman ito ng matanda sa pinilìng kabataan. Nag-ugat diumano ito sa mga pariralang Latin sa pasyon at sa mga sermon noon ng pari sa wikang Latin at Espanyol na tinatandaan ngunit di-naiintindihan ng mga Filipino.
May pinaniniwalaang sinambit ni Kristo at kayâ walang katulad ang ibinibigay na bisà. Isang halimbawa ang sumusunod:”Jesucristo maria bedreno et curo tenaman, Amen” na ginagamit upang manghinà ang kaaway. Gayunman, may iba pang ritwal itong kailangang gawin upang maging epektibo. Sinasabi ring may kontraorasyón sa bawat orasyón.
Pinagmulan: NCCA Officiai | Flickr
No Comment to " Orasyon "