Ano ang albularyo?


Ang albularyo ay tumutukoy sa manggagamot na gumagamit ng sinaunang paraan ng panggagamot. Kabilang sa mga pamamaraang ito ang pagtatapal ng mga halamang gamot at langis, pag-oorasyon o pagbulong, pagtawas, pagbabanyos o pagpunas sa maysakit.


Bago ang pananakop ng mga Espanyol, ang tungkulin ng panggagamot ay nakaatang sa babaylan o ang pinunong espiritwal ng katutubong pamayanan. Naisantabi ang mga babaylan nang ipakilala ng mga Espanyol ang bagong relihiyon. Kasunod nitó’y lumitaw ang mga arbularyo. Ang mga dating inuusal ng mga babaylan ay nahalinhan ng mga Kristiyanong orasyon at dasal, at sa gayo’y napaglangkap ng arbularyo ang katutubo at ang bagong paniniwala.


Mga matandang babae o lalaki ang kalimitang nakikilalang albularyo na sa tuwi-tuwina ay matatagpuan sa mga liblib na lugar at malayo sa kabihasnan. Karaniwang iniaasa nila sa pananalig o pananampalataya ang bisa ng kanilang gawain kasama ang malawak na karanasan sa pagpapabuti ng isang may karamdaman.


Laganap ang albularyo sa buong kapuluan ng Filipinas lalo na sa mga lugar na hindi naaabot ng makabagong medisina. Tinatawag din silang erbolaryo at baglan sa wikang Iloko.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: