panata

Panata


Ang panata ay isang matapat o mataimtim na pangako o debosyon. Karaniwang namamanata ang mga Filipino upang humiling ng pabor mula sa Diyos o mga santo sa langit. Halimbawa, kung may sakit ang isang tao, namamanata siya upang hilingin ang kaniyang paggaling o ang paglunas sa sakit ng isang kapamilya at iba pang mahal sa buhay.


Ang kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila tuwing Enero ay isang matingkad na halimbawa ng pamamanata. Libo-libong mamamayan ang nakayapak na nagtutungo sa Simbahan ng Quiapo upang lumahok sa prusisyon para lamang masilayan ang Mahal na Poon. Nakikipagsiksikan sila, kung minsa’y nakahandang masaktan, mahawakan, o makalapit sa imahen ng Nazareno.


Tuwing Semana Santa, masasaksihan din ang isa pang pambihirang pagpapamalas ng masidhing panata. Mula sa paglalakad nang walang sapin sa paa sa mainit na kalsada, paghampas sa sarili, hanggang sa aktuwal na pagpapapako sa krus, ang mga deboto ay dumaraan sa proseso ng paglilinis ng kalooban upang maging karapat-dapat sa katuparan ng kahilingan.


Bukod sa kontekstong panrelihiyon, ang pamamanata ay maikakawing din sa pagpapahayag ng pagmamahal sa bayan. Isinabatas ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagbigkas ng “Panatang Makabayan” sa mga paaralan noong 1955. Hanggang sa kasalukuya’y patuloy na binibigkas ito ng mga estudyanteng Filipino sa kanilang mga eskuwelahan kasunod ng pag-awit sa “Lupang Hinirang” hábang nakaharap sa watawat ng Filipinas. Bagaman madalas bigkasin sa wikang Filipino, ang “Panatang Makabayan” ay may bersiyon din sa iba pang wika sa Pilipinas at maging sa wikang Ingles.