Mahal na Araw
Ang totoo, apatnapung araw ito ng pagdarasal at penitensiya, at tinatawag na Kuwaresma (mula Espanyol na cuaresma). Nagsisimula ito sa Miyerkoles ng Abo o Miyerkoles de Senisa at pinapahiran ang mga deboto sa noo ng tanda ng krus gamit ang abó bilang sagisag ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan.
Pagpapaalala rin ito sa kanila na ang tao ay nagmula sa abo at sa abo rin babalik. Tampok ng Kuwarésma ang sanlinggong Mahal na Araw na nagtatapos sa pagdiriwang ng resureksiyon ni Hesus o Paskó ng Mulîng Pagkabúhay na ginaganap sa araw ng Linggo.
Bukod sa pagdarasal, pangunahing mga sakripisyong ginagawa tuwing Mahal na Araw ang pag-aayuno o hindi pagkain ng karne, pagbibigay ng limos, at bisíta iglésya o pagdalaw sa mga simbahan at kapilya.
Ilang penitente ang nagpaparusa sa sarili, at ginagaya ang sakripisyo ni Hesus sa pagpapalò sa sarili at sa nagpapasan at nagpapapakò sa krus. Sa panahong ito ginagawa ang pabása o pag-awit sa pasyón at ang pagtatanghal ng senakulo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Mahal na Araw "