On
Ang monopolyo (mula sa Espanyol na monopolio) ay isang sistemang pang-ekonomiya ng pagkontrol sa isang produkto at palitan ng kalakal sa isang pook.


Maaaring isang tao o pangkat ang nabibigyan ng legal at ganap na pribilehiyong masarili ang isang serbisyo o suplay ng kalakal at makinabang dito. Itinuturing itong masamâng patakaran sa loob ng ekonomiyang laissez faire o nagpapatupad ng malayang kalakalan.


Ipinatupad ang mga monopolyo sa Pilipinas noong panahon ni Gobernador Heneral Jose Basco y Vargas ng kolonyalismong Espanyol.


Ninais niyang makapagsarili ang pananalapi ng kolonya na hanggang sa panahon niya ay umaasa sa tulong mulang Mexico.


Nagpasimula siya ng mga industriya’t bagong pananim pang-agrikultura ngunit mahinà pa rin ang kita ng gobyerno.


Itinatag niya ang monopolyo sa tabako noong 1 Marso 1782 at kinontrol ang sapilitang pagtatanim ng tabako sa Ilocos, Nueva Ecija, at Marinduque.


May takdang sakahan para sa tabako at gobyerno ang bumibili ng lahat ng dahong anihin. Nagkaroon din ng monopolyo sa paggawa ng alak, pulbura. at kahit sa paglalaro ng baraha.


Gumanda nga ang kita ng gobyerno sa tabako. Dahil dito’y sumikat ang abanong Maynila. Ngunit nagdulot naman ito ng lalong paghihirap ng mga magsasaka, korupsiyon ng mga taong gobyerno, at ismagling. Ipinag-utos mismo ng Hari na ipatigil ang monopolyo sa tabako noong 25 Hunyo 1881 ngunit tumagal nang ilang taón bago ipinatupad sa Filipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr