Ang alak ay anumang inuming matapang at nakalalasing, tulad ng vino, serbesa, at wiski. Sinasabing mahilig uminom ng alak ang mga Filipino, kung kayâ naman hindi nakapagtataká na mayroon táyong ilang katutubong uri nito.


Ilan dito ay ang

  • basi, 
  • tuba, 
  • lambanog, at 
  • tapuy.


Ang basi ay alak mula sa katas ng tubo. Kapag pinatagal ang pagbuburo sa basi, ito ay magiging sukà. Maituturing itong inuming pambayan ng rehiyong Ilocos sa hilagang Luzon. Malaki ang ginampanan ng alak na ito sa kasaysayan.


Noong 1808, nag-alsa ang mga taga-Ilocos Norte sa tinatawag na ”Pag-aalsang Basi” nang ipinagbawal ng mga Espanyol ang pribadong paglikha ng basi.


Ang tuba ay mabulang alak mula sa katas sa sasa o niyog. Tulad sa basi, kapag pinatagal ang pagbuburo, ito ay magiging sukà. Tinatawag din itong palm wine sa ibang bahagi ng mundo. Tulad ng tubâ, ang lambanóg ay alak na mula sa katas ng sasâ at niyog.


Dinadalisay ang tuba upang makuha ang alkohol nitó, at tanyag ang lambanog bilang malakas na alak. Tinatayang 30 galon ng tuba ang kinakailangan para makagawa ng 5 galon ng lambanog. Kilalá ang lalawigan ng Quezon bilang pagawaan ng lambanog, dahil na rin sa matatagpuan dito ang pinakamaraming taniman ng niyog sa Luzon. Tinatawag na ”putuhan” ang gawaan ng lambanog sa Quezon.


Ang tápuy (o tapey, tapuey) ay alak na gawa sa binurong bigas. Kilalá ang rehiyong Cordillera sa alak na ito, at mahalaga itong bahagi ng kultura at kabuhayan ng mga katutubong pangkat ng Cordillera. Iniinom ang tapuy sa mga kasalan, seremonya ng anihan, at iba pang okasyon. Hindi ito hinahaluan ng asukal at tubig.


Ang paggawa ng tapuy ay isang tradisyon, at ipinapása ang kaalaman ukol dito sa bawat henerasyon. Sa kasamaang palad, naging saksi ang mga hulíng taon sa pagbawas ng gumagawa ng tapuy, dahil madalî nang makabili ng mga komersiyal na tapuy bukod sa higit nang nahihilig ang mga taga-Cordillera sa inuming tulad ng hinyebra.


Dahil na rin sa pag-unlad ng teknolohiya at pag-unlad ng panlasa ng mga manginginom, mabibili na ang mga katutubong alak ng Filipinas sa iba’t ibang lasa, tulad ng mangga, strawberry, bubblegum, at tsokolate. Gumagawa naman ngayon sa Filipinas ng vino (wine). gawa sa prutas sa Pilipinas, tulad ng atis, bignay, dalandan, duhat, guyabano, kalumpit, lipote, mangga, mangosteen, passion fruit, pinya, saging, at sampalok. Mayroon ding alak na gawa sa kape! Tagay!


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: