panunuluyan

Ang panunuluyan ay tradisyonal na dula sa bisperas ng Pasko hinggil sa paghahanap ng matutuluyan nina Birheng Maria at San Jose sa Herusalem at pagsisilang kay Hesus sa isang sabsaban. Mula ito sa kulturang Espanyol, partikular mula sa bansang Mexico, na posadas—isang tradisyon ng pagdiriwang sa ginawang paghahanap ng mag-asawa ng posada o taberna na matutuluyan. Tinatayang pinasimulan ito ni San Ignacio de Loyola noong siglo 16 nang imungkahi niya ang pagdaraos ng isang nobena sa Pasko na magpupugay sa paglalakbay nina Maria at Jose. Ang mga bahay na dalawin ay naghahandog ng pagkain, kakanin, at iba pa sa mga táong nanonood. Magwawakas ito sa isang malaking belen sa harap o altar ng Simbahan at doon isisilang ang sanggol na si Hesus. Pagkatapos nitó isinusunod ang espesyal na misa sa Pasko.


May dalawang paraan ng pagsasadula ng panunuluyan: ang pagsasadulang may mga tunay na aktor at aktres at ang pagsasadula na gumagamit ng mga rebulto nina Birheng Maria at San Jose. Pinipili ang magiging aktor at aktres at dinadamitan silá tulad ng sa mag-asawa. Magtutungo silá sa bawat bahay at ang Simbahan ang dulo ng kanilang prusisyon.


Iba’t iba ang naging katawagan ng panunuluyan sa bansa: panawagan sa Cavite at Batangas, kagharong sa Bikol, at daigon, pakaon, o patores sa Bisaya. Ang daigon ng mga Bisaya ay mayroong apat na tagpo mula sa pagpapakita ni San Gabriel kay Maria, ang paghahanap ng matutuluyan, ang paggabay ng mga anghel patungo sa sabsaban, at ang huling tagpo ng natibidad. Sa panawagan ng Cavite, nakasakay ng bangka ang aktor at aktres sa simula at pagdating sa pampang ay kakatok sa mga tahanan. Ang pastores naman ng Bisaya ay ginagampanan ng mga magbubukid at mangingisda na minana pa sa kanilang ninuno ang kani-kanilang papel na ginagampanan; may daláng mga instrumento at nagsisiawit ng pagbubunyi kina Maria at Jose at pagdakila kay Hesukristo.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr