Sarsuwela
Tinatawag din itong dulang hinonihan, dulang inawitan, drama-liriko, at opereta.
May ulat na ipinakilala at kinagiliwan ang zarzuela sa Filipinas sa pamamagitan ng dulang Jugar con fuego (Maglaro ng Apoy) na itinanghal ng grupo ni Dario Cespedes sa Maynila noong mga taong 1879 at 1880.
Nang buksan ang Teatro Zorrilla noong 1893, itinuring na itong tahanan ng mga zarzuela; bagama’t itinanghal ang mga zarzuela sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nakagiliwan ito ng mga edukado’t mariwasang nasuya na sa komedya at naghahanap ng bagong aliwan. Naging pagkakataon ang naturalisasyon ng zarzuela tungo sa sarsuwela upang itanghal ang pangyayaring higit na tungkol nagaganap sa kasalukuyan sa lipunang Filipino.
Isinulat sa Kapampangan ang unang sarsuwela. Ang maikling dulang “R.I.P.” ni Severino Reyes, na ipinalabas noong 1902 at tumutudyo tungkol sa dapat na ilibing na bangkay ng komedya, ang hudyat ng lubos na pananaig ng sarsuwela bilang bagong pambansang teatro.
Tinangkilik ng madla ang mga orihinal na sarsuwela na gaya ng Walang Sugat (1902) ni Severino Reyes; Alang Dios (1902, Walang Diyos) ni Juan Crisostomo Soto sa wikang Kapampangan; Nating (1908) ni Valente Cristobal sa wikang Ilonggo; Natakneng a Panagsalisal (Dakilang Tunggalian) ni Mena Pecson Crisologo, sirka 1911, sa wikang Iluko.
Noong mga taong 1920, napabantog ang mga grupo ni Severino Reyes na Gran Compania de la Zarzuela Tagala at ni Hermogenes Ilagan na Compania Ilagan. Sa grupo ni Ilagan nakilala naman si Atang de la Rama na tinaguriang reyna ng sarsuwela.
Kabilang sa nilabasan niya ang mga popular na Dalagang Bukid (1919) ni H. Ilagan at musika ni Leon Ignacio, Paglipas ng Dilim (1920) ni Precioso Palma at musika ni L. Ignacio, at Ang Kiri (1926) ni Servando de los Angeles at musika ni L. Ignacio.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sarsuwela "