Sino si Valente Cristobal?

Si Valente Cristobal (Va·lén·te Kris·tó·bal) ay isang mandudula at politiko sa Iloilo. Isa siyang Tagalog ngunit nagtagumpay na manunulat at director ng sarsuwelang Ilonggo.


Isinilang siya noong 21 Mayo 1875 sa Polo, Bulacan kina Timoteo Cristobal, isang barbero, at Gregoria Perez, isang manghahabi. Nang siya ay edad 12, nagpunta siya ng Maynila sa paniwalang ang isang kaibigan ng pamilya na sumagot sa kaniyang pamasahe ay papag-aralin siya.


Sa kasamaang palad, nauwi siya bilang kasambahay ng naturang pamilya. Matapos ang dalawang taong paninilbihan, umalis siya at sumubok ng iba’t ibang trabaho: tagapintura, karpintero, sastre, at iba pa.


Lumipat siya sa Iloilo at napangasawa si Micaela Hormigon. Namasukan siya doon sa Hoskyn and Company, ang pinakamalaking department store sa lugar. Naging tahor din siya ng sabungan nang tatlong taon. Nagsilbi siya nang dalawang termino bilang konsehal ng Iloilo.


Nakasulat siya ng 32 dula. Naging matagumpay ang kaniyang unang dulang Ang Capitan noong 1903, tungkol sa isang babaeng piniling pakasalan ang isang kapitan kaysa isang Tsino.


Sinundan ito ng serye ng mga dula:


  • Ang mga Viciohan, tungkol sa mga sugarol at manginginom na nakulong;
  • si Platon (1904), tungkol sa amang gumagamit ng opyo na minamanipula ng utusan;
  • Madaya (1904), tungkol kay Martin na nagpanggap bilang si Vicente para mapakasalan ang nobya nitó;
  • Calipay Sang Panday (1906), tungkol sa búhay at simpleng kaligayahan ng isang karpintero pagkatapos ng trabaho;
  • Juan Te (1907), tungkol sa panaghoy ng isang may-ari ng isang tindahan dahil ang mga kapitbahay niya ay bumibili sa mga tindahan ng mga Tsino sa halip na sa kaniya;
  • Nating (1908), ang pinakapopular niyang sarsuwela tungkol sa isang babae na dinukot ng isang bandido na ama pala nitó;
  • Maimon nga Amay (1908), tungkol sa tatlong manliligaw ni Antonina na nagpanggap bilang kasambahay, tagaluto, at guro ng musika upang maiwasan ang estrikto at selosong ama niya;
  • Ang Lalang ni Tarcila (1910), tungkol sa plano ni Tarcila na makakuha ng pamasahe mula sa kaniyang tatlong manliligaw;
  • Asawa Balaye (1910), tungkol sa nagpakasal na biyuda at biyudo na itinatago ang sari-sariling anak sa isa’t isa;
  • Ang Tuburan sang Himaya (1911), tungkol sa isang babaeng minamaltrato ng asawa at ng isang inang minamaltrato naman ng kaniyang anak;
  • Si Salvador (1912), tungkol sa pag-ibig at karahasan sa mga kargador, pasahero at tindero sa daungan ng Iloilo;
  • Bulac nga Guinlimot (1918), tungkol sa paghihiganti ng isang babae;
  • Mainaua-on (1922), tungkol sa Pagtatanghal ng Kolintas nga Bulawan noong 1935 isang drayber na nawawalan ng trabaho tuwing tumutulong siyá sa mga táong nangangailangan, at nagantimpalaan sa bandáng huli;
  • Ma, Pa, Ta (1927), tungkol sa isang estudyante na inutusang umuwi na lámang sa kanila dahil siya ay Ma, Pa, Ta: malalison, palahigda, at tahor; at
  • Kolintas nga Bulawan (1930), tungkol sa isang lalaki na inakusahan ang kaniyang asawa ng impidelidad.


Siya ang naging direktor at prodyuser ng kaniyang mga dula. Itinanghal ang mga ito sa iba’t ibang tanghalan sa Iloilo at Negros gaya ng Teatro Ilongo, Teatro Oriental, Teatro Malhabour, Iloilo Opera House, Teatro Laurente.


Yumao si Valente noong 1 Nobyembre 1945.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr