Sino si Mena Pecson Crisologo?

Si Mena Pecson Crisologo (Mé·na Pek·són Kri·só·lo·gó) ay isang bantog na manunulat sa wikang Iluko at naglingkod na gobernador. Isa siya sa mga pinakatanyag na anak ng rehiyong Ilocos.


Sa larang ng politika, kinatawan ni Crisologo ang Ilocos Sur sa Kongresong Malolos noong 1898 at isa sa mga lumagda sa saligang-batas.


Sa panahon ng Amerikano, siya ang nagsilbing unang gobernador ng Ilocos Sur noong 1901. Kabilang siya sa mga gobernador na ipinadala ng pamahalaan sa International Exposition sa St. Louis, Missouri noong 1904.


Sa larang ng panitikan, sinulat ni Crisologo ang Mining wenno Ayat ti Kararwa, na inihahambing ng ilan sa Noli me Tangere ni Jose Rizal; ang Nagtacneng a Panagsalisal, na inihahambing naman sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas; isang salin sa Iluko ng Don Quixote; at isang sarsuwelang pinamagatang Codigo Municipal.


Ang kaniyang mga tula, komedya, at sarsuwela ay itinatanghal noon sa mga pista sa Vigan. Pagkatapos manungkulan bilang gobernador, malaki ang iniambag niya sa paglago ng wika at panitikang Iluko. Sinimulan niya ang bersiyong Iluko ng balagtasan, at nag-organisa ng mga orkestra at banda sa kaniyang lalawigan.


Isinilang siya noong 11 Nobyembre 1844 sa Vigan, Ilocos Sur kina Januario Crisologo at Eusebia Pecson.


Nagkamit siya ng digri sa batas sibil at kanon sa Unibersidad ng Santo Tomas.


Nagkaroon siya ng isang anak sa asawang si Felipa Florentino, na siyang kapatid ng makatang si Leona Florentino. Pumanaw siya noong 5 Hulyo 1927. Sa kaniya nakapangalan ang makasaysayang Calle Crisologo sa Vigan, isang antigong daan na pinaliligiran ng mga gusali mula pa sa panahon ng Espanyol at ngayon ay tanyag sa mga turista.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: