Geronima Pecson
Geronima Pecson (19 Disyembre 1896-31 Hulyo 1989)
Hindi lámang kilalá si Geronima Tomelden Pecson (He·ró·ní·má To·mel·dén Pék·son) bilang unang nahalal na babaeng senador kung hindi kilalá rin siyá sa aktibo niyang pakikisangkot sa edukasyon at kawanggawa.
Bago naging senador si Geronima Pecson, nagturo siyá sa Manila High School mula 1919 hanggang 1926 at lumipat sa Sta. Clara Elementary School, na ngayo’y Gomez Elementary School sa Maynila, at naging punongguro ng paaralan. Noong 1934, huminto siya sa pagtuturo at nagsimulang maging social worker. Nang madestino ang kaniyang asawang si Justice Potenciano Pecson sa Zamboanga, sumáma siyá at nagturo sa Zamboanga Normal School. Naging kalihim siyá ni Pangulong Jose P. Laurel bago naging assistant executive secretary ni Pangulong Manuel Roxas.
Nahalal si Geronima Pecson bilang senador noong 1947 at pumangatlo siyá sa may pinakamaraming botong nakuha noong halalang iyon. Naglingkod siya bilang senador mula 1948 hanggang 1954. Sa kaniyang panunungkulan bilang senador, siyá ang may akda ng Free and Compulsary Elementary Education Act of 1953, Vocational Education Act, Salary Educational Act, at mga batas na nagbabago ng istatus ng mga pamantasan upang maging kolehiyo, gaya ng Philippine Normal School at School of Forestry ng Unibersidad ng Pilipinas. Siyá rin ang nagsúlong ng pagbubukás ng mga pamantasan sa probinsiya at pagbubuo ng UNESCO National Commission of the Philippines. Matapos ang kaniyang termino noong 1954, naging aktibo siyá sa mga organisasyon gaya ng Philippine National Red Cross at naging tagapangulo nitó. Naging miyembro siyá ng Lupon ng mga Direktor ng UNESCO, ang kauna-unahang Filipino at babae na nakaupô sa prestihiyosong organisasyon. Dahil sa hindi matatawarang pakikisangkot sa usapin ng edukasyon, kababaihan, at ikabubuti ng mamamayan, ginawaran siyá ng Legion of Honor Award ni Pangulong Magsaysay; Pro Patria Presidential Award, at 1964 Outstanding Award for Excellent Service in Philippine Education.
Ipinanganak si Geronima Tomelden Pecson noong 19 Disyembre 1896 sa baryo ng Lisbong, Lingayen, Pangasinan. Ang kaniyang mga magulang ay si Paz Palisoc at si Victor Tomelden. Pumanaw siyá noong 31 Hulyo 1989.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Geronima Pecson "