On
Mula sa salitang Espanyol na comedia, tinatawag na komedya ang naturalisado at unang pambansang dula sa Filipinas na naging popular noong panahon ng kolonyalismong Espanyol.

 

Unang napaulat na pagtatanghal nito ang isinagawa sa Cebu noong 1598 kaugnay ng pagdalaw ni Obispo Pedro de Agurto.

Sinundan pa ito ng mga ulat ng ibang pagtatanghal para sa mga pistang panrelihiyon at pagdiriwang na pampamahalaan.


Gayunman, naging popular ito sa naging anyo nitong naturalisado at nasa mga wikang katutubo noong ika-18 hanggang ika-19 siglo. Ipinalalagay ng mga iskolar na nakasunod ito sa uri ng dula na pinasikat ni Lope de Vega sa Espanya noong ika-16 siglo at nagtataglay ng balangkas na tatlong yugto, patula ang diyalogo, at hinggil sa buhay ng mga banal na Kristiyano at sa pakikipagsapalaran ng mga prinsipe’t prinsesa sa malalayong kaharian.


Tinawag din itong moro-moro dahil sa popular na anyo nitong nagtatampok sa hidwaang Kristiyano at Muslim.


“Móro” ang nakamihasnang tawag ng mga Espanyol sa mga Muslim dahil sinakop ng mga Moro mulang Aprika ang Espanya sa matagal na panahon.


Isang ganitong tipo ng pagtatanghal ang komedya na itinanghal noong 15 Hulyo 1637 bilang parangal sa tagumpay ni Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera laban sa mga Muslim sa Mindanao.


Napanood diumano ng sumulat ng dula, si Padre Heironimo Perez, ang kunwang espadahan ng mga batang nagkatuwaan dahil sa pagwawagi ng mga Espanyol laban sa mga Muslim, at ipinakita ito sa kaniyang dula.


Ang (mula Espanyol na batalla) o pasayaw na labanan sa entablado ang isang kinagigiliwang tagpo sa moro-moro. Malinaw namang kasangkapan ang laging pananaig ng mga tauhang Kristiyano sa dula tungo sa pagtatanim ng superyoridad ng relihiyong Kristiyano sa ibang pagsampalataya.


Tinatawag itong linambay sa Cebu at arakyo sa Nueva Ecija. Mga sanga nito ang ibang dulang panrelihiyon na gaya ng senakulo at tibag.


Kinagiliwan din ng madla sa komedya ang makukulay na kasuotan, ang mahahaba’t magarbong diyalogong patula, ang madamdaming tagpo ng pagsisintahan, at ang mga pagpapatawa ng pusong o lukayo.


Nanghina ito bilang teatro sa Maynila dahil sa mga bagong aliwan na gaya ng zarzuela sa ikalawang hati ng ika-10 siglo ngunit nagpatuloy bilang proyekto ng komunidad sa ilang pook (gaya sa Baler, Lungsod Iligan, Ilocos, Nueva Ecija, Panay) hanggang sa kasalukuyan.


Sa Parañaque nagmula ang maituturing na modernisadong pagtatanghal ng komedya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: