Bodabil
Popular na itong palabas na aliwan ng mga Amerikano noon pang 1880 at binubuo ng sari-saring bilang musikal ng mga mang-aawit at mananayaw, komedi, salamangka, sirko, tinuruang hayop, panggagagad, eksena sa teatro, burlesk, at marami pa na nagmula sa iba’t ibang popular na palabas sa Kanluran.
May ulat na ginamit ang vaudeville na pag-aliw sa mga sundalong Amerikano sa Filipinas. Noong 1901, ibinabando sa Teatro Zorilla ang mga bumibisitang tropang vaudeville sa pamagat na “Novelties in Manila.”
Sa bandang 1910, ilang artistang Filipino ang nagsagawa ng vaudeville, kabilang sina Atang de la Rama at Katy de la Cruz, at ginamit itong intermisyon sa sarsuwela. Ang intermisyon ay tinatawag kung minsang jamboree.
Noong 1920, isang mang-aaliw na Filipino, si Luis Borromeo, ang bumalik mulang Estados Unidos, binago ang pangalan sa “Borromeo Lou,” at nagtatag ng itinuturing na unang kompanyang bodabil. Ang pangunahing bilang ng kompanya ay isang banda na tumutugtog ng “classical jazz music” kaya sinasabing ang banda ni Borromeo ang nagpopularisa ng jazz sa Filipinas. Si Borromeo din ang bumuo ng “voda-vil”na naging bodabil.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bodabil "