Atang de la Rama: Reyna ng Sarsuwela at Kundiman


Hinirang si Honorata de la Rama (O·no·rá·ta de la Rá·ma) bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro/Musika noong 1987.


Mas kilala bilang Atang de la Rama, napatanyag siya bilang “Reyna ng Sarsuwela at Kundiman.”


Unang umani si Ka Atang ng pambansang pagkilala sa natatanging pagganap niya sa sarsuwelang Dalagang Bukid na itinampok kapuwa sa teatro at pinilakang-tabing.


Naging paborito siya ng madla sa kasuotang balintawak at pag-awit ng “Nabasag ang Banga.” Mula noon, mahigit 50 sarsuwela sa Espanyol, Tagalog, Pampanggo, at Iluko na ang pinagbidahan ni Ka Atang.


Pinakatanyag sa mga ito ay ang


  1. Alamat ng Nayon (1920),
  2. Ararong Ginto,
  3. Ang Mestiza,
  4. Paglipas ng Dilim,
  5. Sundalong Mantika,
  6. Anak ng Dagat,
  7. Mga Kamag-anak, at
  8. Sa Bunganga ng Pating.


Ngunit sa mga ito, walang makapapantay sa tagumpay na naabot ng Ang Kiri na itinanghal nang mahigit 700 beses at Dalagang Bukid na sinasabing may pinakamaraming bilang ng pagtatanghal sa kasaysayan ng dulaang Filipino.


Ipinakilala rin niya ang kundiman sa mga dayuhang manood sa Hong Kong, Shanghai, Tokyo, at Estados Unidos na mayroon ding malalaking komunidad ng mga Filipino.


Isinilang siya noong 11 Enero 1902 sa Pandacan, Maynila, pinakabata si Ka Atang sa apat na magkakapatid na maagang naulila. Pinalaki siya sa Gagalangin, Tundo ng kapatid na si Pastora Matias at asawa nito na si Leon Ignacio, isang kompositor.


Si Maestro Ignacio ang kalauna’y lilikha ng Dalagang Bukid, ang sarsuwelang maglulunsad ng karera ni Atang sa sarsuwela.


Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Pharmacy sa Centro Escolar, at kumuha ng mga voice lesson kina Victorino Carreon ng Quiapo, Soprano Galia Arellano, Nelli Farnerie, at Isang Tapales.


Nagpatuloy siya ng kaniyang pag-aaral sa New York noong 1925 sa Royal Dramatic Theatre Academy. Ikinasal siya sa naging Pambansang Alagad ng Sining na si Amado V. Hernandez.


Namatay si Ka Atang noong 11 Hulyo 1991.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: