Rolando S. Tinio
Iginawad nang postumo ang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Panitikan noong 1997 kay Rolando S. Tinio. Isa siyang mahusay na direktor sa entablado, makata, manunulat, tagasalin, at aktor.
Bilang direktor sa teatro, pinayaman niya ang estetika ng dulaan sa pagpapasiglang muli sa mga tradisyonal na anyong pandulaan gaya ng sarsuwela, gayundin sa pagpapakilala sa kanluraning teatro sa pamamagitan ng kaniyang pagsasalin ng mga klasikong dulang Griyego, Shakespeare, at iba pang modernong dula.
Kabilang sa mga ito ang
- Kiri (1974);
- Tito Vanya (1976);
- Hamlet (1979);
- Pangarap sa Isang Gabi ng Gitnang Tagaraw (1980);
- Caligula (1981);
- Romeo at Julieta (1981);
- Ang Halaga ng Pagiging Masigasig (1982);
- Sopranong Kalbo (1987), at
- Medea (1988).
Sumulat din siyá ng sariling dula, gaya ng May Katwiran ang Katwiran, at mga panunuring pampanitikan.
Bilang makata, kasama ang matalik na kaibigan at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera, ipinakilala nila ang Modernistang pagtula na makikita sa kaniyang mga librong Sitsit sa Kuliglig (1972), Dunung-Dunungan (1975), at Kristal na Uniberso (1989). Nakapaglabas din siya ng kalipunan ng mga tula sa Ingles, ang Trick of Mirrors (1993).
Isinilang si Tinio noong 5 Marso 1937 sa Gagalangin, Tundo, Maynila sa mag-asawang Dominador Tinio at Marciana Santos.
Ikinasal siya kay Ella Luansing, artista sa teatro, telebisyon at pelikula, at biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Antonio at Victoria.
Nagtapos siya sa Lakandula Elementary School at Letran High School. Dalawang taon siyang nag-aral ng pre-law sa Letran College ngunit lumipat sa University of Santo Tomas Faculty of Arts and Letters.
Sa huli siya nagtapos ng Pilosopiya. Nagpatuloy siyá ng kaniyang pag-aaral sa State University of Iowa ng Master sa Fine Arts, malikhaing pagsusulat, Kumuha rin siyá ng karagdagang kurso sa Theater Arts sa Bristol University noong 1968 sa tulong ng isang iskolarsyip mula sa British Council.
Naging guro rin siyá ng Ingles, Filipino, at Sining Panteatro sa Pamantasan ng Ateneo de Manila mula 1958 hanggang 1975. Namatay siyá noong 7 Hulyo 1997.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Rolando S. Tinio "