Kuliglig
Ang kulisap ay may mga malaking mata at nakahiwalay sa ulo, at manipis at maugat na mga pakpak. May mahigit 2,500 uri ng kuliglig sa buong mundo. Ang pangalan nitó sa Ingles na cicada ay mula din sa pangalan nitong Latin at isang onomatopeikong paggagad sa tunog o ingay nito.
Ang tunog ay ginagawa ng lalaking kuliglig sa pamamagitan ng mga kumikinig na bahagi ng tiyan nito. May iba’t ibang tunog ang mga kuliglig at may higit na musikal kaysa iba. Ang tunog na ito ay maaaring marinig hanggang isang kilometro ang layo.
Pagkapisa mula sa itlog, ang sanggol na kuliglig ay bumabaon sa lupa upang sumipsip ng katas mula sa ugat ng halaman. Matagal ito sa gayong pamumuhay, bumibilang ng taon, bago lumitaw na tigulang.
Umaabot sa 17 taon ang buhay ng kuliglig. Dahil sa naiibang buhay, hinahangaan ito ng mga Tsino at tradisyonal na simbolo para sa muling-pagkabuhay.
Sa kanayunan, ang labis na ingay ng mga kuliglig ay itinuturing na hudyat ng darating na dilim. May gayong pahiwatig ang pamagat ni Rolando S. Tinio sa kaniyang aklat ng tulang Sitsit sa Kuliglig (1972).
Bagaman maaari ding nais niyang paglaruan ang tunog ng kuliglig at ipaturing ang tula na tila “tsismis” lamang para sa kuliglig dahil bagaman makabuluhan ay hindi pinakikinggan ng kaniyang panahon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kuliglig "