Francisco Arcellana
Isang manunulat ng maikling kuwento at sanaysay, peryodista, kritiko, at guro si Francisco Arcellana (Fran·sís·ko Ar·se·lyá·na). Zacarias Eugene Francisco Quino Arcellana ang buo niyang pangalan.
Si Arcellana, na kilala rin bilang Franz, ay isa sa mga tagapanguna sa pagsusulat ng maikling kuwento sa Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1990.
Nakilala ang kahusayan ni Arcellana sa pagsusulat noong 1932 at estudyante pa lamang sa Torres High School dahil sa pagkakalathala sa Graphic ng kaniyang kauna-unahang katha, “The Man Who Could Be Poe.”
Ang kaniyang inilathalang Expression (1934) ay pagsisimulan ng kanilang mahabang panahon ng pagsusulatan at samahan ni Jose Garcia Villa, isa ring Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa wikang Ingles.
Bahagi siya ng Veronicans na binubuo ng 13 manunulat bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na sumasalungat sa tradisyonal na porma at paksa sa panitikang Filipino.
Ang mga akda ni Arcellana ay naisalibro sa The Francisco Arcellana Sampler (1990). Kabilang sa mga kuwento niyang malimit isama sa mga antolohiya ang “Divide by Two,” “Flowers of May,” at “The Mats.” Isa namang kuwento niyang ekperimental ang “Trilogy of Turtles.” Hinahangaan siyá ng maraming kritiko dahil sa masinop at disiplinadong gamit ng wika.
Isinilang sa Sta. Cruz, Maynila noong 6 Setyembre 1916, si Arcellana na tinatawag sa pamilya na Paking, ay ikaapat sa 18 mga anak nina Jose Arcellana at Epifania Quino.
Nagtapos siya ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1939. Naging kagawad din siya ng Philippine Collegian.
Ikinasal siya kay Emerenciana Yuvienco, na professor emeritus sa UP at may-akda ng The Relevance of Recto Today, at nagkaroon sila ng anim na anak. (1996).
Mula 1979-1982, nagsilbing guro si Arcellana sa UP Department of English and Comparative Literature, tagapayo ng Philippine Collegian, direktor ng UP Creative Writing Center, at nagpatuloy magturo hanggang magretiro at sumakabilang-buhay noong 1 Agosto 2002.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Francisco Arcellana "