Edith Tiempo
Si Edith L. Tiempo (É·dit El Ti·yém·po) ay isa sa pinakamahusay na makata, mangangatha, kritiko, at guro ng panitikan sa wikang Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1999.
Noong 1962, itinatag niya kasama ang asawang si Edilberto K. Tiempo ang Silliman Writers Workshop ng Unibersidad ng Silliman sa Lungsod Dumaguete at magkatuwang nila itong pinamahalaan. Ang palihang Silliman para sa mga manunulat ay ang una sa Filipinas at sa buong Asia.
Ang kaniyang mga nobela ay
- A Blade of Fern (1978);
- His Native Coast (1979);
- The Alien Corn (1992);
- One, Tilting Leaves (1995);
- The Builder (2004);
Ang mga libro ng tula ay
- The Tracks of Babylon and Other Poems (1966);
- The Charmer’s Box (1992);
- Beyond, Extensions (1993); at,
- Marginal Annotations (2001); at
Ang kaniyang libro ng mga kuwento ay
- Abide,
- Joshua and
- Other Stories (1964).
Nagwagi siyá ng Gantimpalang Carlos Palanca para sa kaniyang tula at maikling kuwento sa Ingles (1967, 1951, 1955), at natanggap ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1988. Nagwagi rin siya ng Gawad CCP sa nobelang Native Coast noong 1978.
Isinilang si Tiempo noong 22 Abril 1919 sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Siya ay isang Gaddang, grupong etniko mula sa hilagang Luzon, na kaniyang ipinagmamalaki. Mga magulang niya sina Salvador T. Lopez, na isang awditor sa gobyerno, at si Teresa Cutaran.
Nagtapos siya ng hayiskul sa Bayombong at kumuha ng kursong pre-law sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa UP niya nakilala ang kaniyang asawa na si Edilberto. May dalawa silang anak, isa sa mga ito ay si Rowena Tiempo-Torrevillas na isa ring makata at mangangatha.
Sa Silliman University sa Lungsod Dumaguete niya nakamit ang kaniyang digring BS Education, medyor sa Ingles, magna cum laude, noong 1947. Ang kaniyang master ay nakuha niya sa State University of Iowa (1949), at ang doktorado sa University of Denver sa Colorado, USA (1958).
Namatay siya noong 21 Agosto 2011.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Muingkahing Basahin:
No Comment to " Edith Tiempo "