Unibersidad ng Pilipinas
Batid ng mga Amerikanong namumuno noon na hindi panghabang panahon ang programang pensiyonado at kailangang magkaroon ng mahusay na paaralang pandalubhasaan sa bansa.
Nagsimula ang UP sa isang maliit na kampus sa Padre Faura, Maynila na nagkaloob ng ilang kurso lamang. Sa paglipas ng mga taon, napatunayan ng UP na nakatupad ito sa layon nang ito ay itatag: maging pangunahing institusyon ng pagkatuto, saliksik, at malikhaing gawain. Bagaman nanatili ang kampus sa Maynila, inilipat noong dekada 50 ang pangunahing kampus ng UP sa Diliman, Lungsod Quezon.
Ngayon, tinatawag na itong “Sistemang UP” dahil may mga awtonomong yunit sa iba’t ibang pook at rehiyon sa ilalim ng isang pangkalahatang Pangulo at Kalupunan ng mga Rehente (Board of Regents). Bawat awtonomong yunit ay pinangangasiwaan ng isang Tsanselor (chancellor) at mga kasámang pangalawang tsanselor.
Mayroon itong 14 kampus sa buong bansa na may 240 programang di-gradwado at 402 gradwadong programa. Bukod pa dito ang tinatawag na Open University na naghahandog ng mga kurso sa mga estudyanteng hindi maaaring pumasok nang regular sa klase.
May pandaigdigang pagkilala ang UP bilang tanging miyembro ng Association of Pacific Rim Universities (APRU), na ang pagiging miyembro ay batay sa nominasyon ng iba pang miyembrong unibersidad. Ito rin ang tanging unibersidad sa Filipinas na miyembro ng ASEAN-European University Network (ASIA UNINET) at isa sa dalawang unibersidad sa Filipinas na kabílang sa ASEAN University Network (AUN).
Sa kasalukuyan, ang mga nagtapos sa UP ay kinabibilangan ng 37 Pambansang Siyentista (National Scientist) sa iba’t ibang larang, tulad ng kasaysayan, inhenyeriya, pisika, agrikultura, sikolohiya, medisina, at ibang mga larang pang-agham. Tatlumpu’t apat (34) sa 57 Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) ay nagmula sa UP sa larang ng literatura, sining biswal, musika, teatro, pelikula, at arkiterktura.
Nangunguna rin ang mga nagtapos sa UP sa mga pambansang pagsusulit sa batas, akawnting, medisina, dentistri, parmasyutika, social work, nutrisyon, at katulad. Patuloy itong nagdudulot ng mura ngunit mataas ang kalidad na edukasyon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Unibersidad ng Pilipinas "