Santa Isabel College Manila


Isa sa mga pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas ang itinatag sa araw na ito, Oktubre 24, noong 1632, ang Colegio de Santa Isabel, o ang kasalukuyang Santa Isabel College.


Isa rin ito sa mga pinakamatandang pambabaeng pamantasan sa Asya, na itinatag ng mga madre ng Daughters of Charity of Saint Vincent de Paul, na itinayo sa loob ng Intramuros sa Maynila, eksklusibo lang para sa mga ulilang babaeng Espanyol at mga babaeng anak ng mga sundalong Espanyol sa Pilipinas.


Kalaunan, binuksan na rin sa mga babaeng Pilipino ang Colegio de Santa Isabel, at noong 1733, itinaas bilang isang Royal University ang Colegio de Santa Isabel sa bisa ng Royal decree ni Haring Carlos III.


Taong 1866 nang nagsanib bilang isang pamantasan ang Real Colegio de Santa Isabel at ang Colegio de Santa Potenciana.


Ang mga madre ng Daughters of Charity ang nangasiwa sa nasabing pamantasan hanggang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang isa ito sa mga nawasak sa pambobomba sa Maynila noong 1941 at 1945.


Pansamantalang lumipat sa Colegio de Santa Rita ang mga madreng nagtuturo sa nawasak na unibersidad. Muling bumangon at naitayo ang Real Colegio de Santa Isabel sa tulong ng pagmamalasakit ng kura paroko ng San Miguel Parish sa Maynila, at lumipat ang Colegio de Santa Isabel, na ngayo’y Santa Isabel College, sa Taft Avenue sa Ermita, Maynila.


Simula noong 1968, sumailalim ang Santa Isabel College sa mahabang proseso ng modernisasyon at reporma sa kurikulum nito para makaayon ang nasabing unibersidad sa modernong pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga estudyante nito.


Bukas ang Santa Isabel College mula sa preschool elementaryang lebel, sekundaryang lebel, Senior High School, at nag-aalok ng mga kursong gaya ng mga sumusunod:

  • Bachelor of Music with majors in Music Education, Composition, Piano and Voice
  • Bachelor of Arts in English
  • Bachelor of Elementary Education
  • Bachelor of Secondary Education with majors in Religious Education, English and Computer Education
  • Bachelor of Science in Accountancy
  • Bachelor of Science in Business Administration with majors in Human Resource Management, Marketing Management and Financial Management
  • Bachelor of Science in Information Technology
  • Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management; at dalawang masteral courses na
  • Master of Music at
  • Master of Arts in Music


Bukas din ito para sa mga technical courses sa TESDA. Si Sr. Ma. Myrna C. Bas, DC ang kasalukuyang Presidente ng Santa Isabel College.


Sanggunian:
• Wikipedia (n.d.). Santa Isabel College Manila. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Santa_Isabel_College_Manila


Mungkahing Basahin: