Ang Nagtatag ng UP College of Law
Ipinanganak si George A. Malcolm sa Concord, estado ng Michigan sa Amerika sa araw na ito, Nobyembre 5, noong 1881, at higit siyang nakilala bilang nagtatag ng College of Law ng University of the Philippines.
Nadestino si Malcolm sa ating bansa noong mga unang taon ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas, at nagsilbi sa iba’t ibang kawanihan sa pamahalaan, at naitalaga rin bilang acting attorney-general ng Board of Justice.
Nakita rin niya ang pangangailangan ng pagkakaroon ng isang kolehiyong tututok sa malalimang pag-aaral ng batas, kaya hiningi niya ang permiso ng Board of Regents sa University of the Philippines (UP) na magbuo ng College of Law, pero hindi pumayag ang BOR, pero kalaunan ay pinayagan na rin ang proposisyon ni Malcolm.
Naitatag ang UP College of Law noong ika-12 ng Enero, 1911, at siya rin ang naging unang college dean nito. Nagturo siya ng constitutional law at ng mga etika sa batas, kung saan naging mga estudyante niya ang mga magiging Pangulo ng ating bansa, gaya nina Jose P. Laurel, Manuel A. Roxas at Elpidio Quirino, at mga magiging hukom sa ating Korte Suprema, kabilang rin si Laurel.
Itinalaga rin si Malcolm ni Pangulong Woodrow Wilson bilang Associate Justice ng Korte Suprema, kung saan nagsilbi siya sa loob ng 19 taon, hanggang 1936. Nagretiro rin siya sa serbisyo dahil nakamandato na sa bagong pamahalaang Commonwealth na mga Pilipino na ang ookupa sa mga posisyon sa Korte Suprema. Bumalik na siya sa Estados Unidos at nagsilbi sa mga iba pang posisyon na ma kaugnayan sa batas, bagamat nakakabisita siya sa ating bansa. Sa kanya rin pinangalan ang isa sa mga gusali ng UP College of Law, ang Malcolm Building.
Pumanaw siya sa Los Angeles, California noong ika-16 ng Mayo, 1961 sa edad na 79. Ang kanyang mga napakaraming judicial opinion ay isa sa kanyang mga legasiya sa ating mga hukuman na ginagamit pa rin hanggang ngayon.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/729/today-in-history-november-5-1881-george-malcolm-who-founded-the-up-college-of-law-in-1911-was-born-in-michigan-usa
• Wikipedia
https://en.m.wikipedia
No Comment to " Ang Nagtatag ng UP College of Law "