Kauna-unahang pampamahalaang unibersidad sa Pilipinas


Sa pagkakatatag ng pamahalaang rebolusyonaryo ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Malolos, Bulacan, doon rin ang naging sentro ng mataas na antas ng edukasyon sa ating bansang kasisilang lang mula sa pananakop ng Espanya.


Sa araw na ito, Oktubre 19, noong 1898, itinatag sa bisa ng dekreto ni Heneral Aguinaldo ang itinuturing na kauna-unahang pampamahalaang unibersidad o state university sa Pilipinas na pinatatakbo ng pamahalaang Pilipino, ang Universidad Literaria de Filipinas.


Si Dr. Joaquin Gonzales ang nagsilbing rector ng unibersidad na ito, at binuksan ang unang sesyon ng pamantasang ito sa kumbento ng simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Isa ito sa mga paaralang itinayo ng pamahalaang rebolusyonaryo ni Heneral Aguinaldo, kasama ang Instituto Burgos at Academia Militar.


Nag-aalok ang Universidad Cientifico Literaria de Filipinas ng mga kursong gaya ng notarial, pharmacy, civil and criminal law, medicine at surgery, na itinuturo ng mga boluntaryong propesor na eksperto sa mga nasabing propesyon.


Naimbitahan rin minsan ang rebolusyonaryong si Emilio Jacinto na mag-aral ulit sa nasabing pamantasan, pero nawala na ang mga academic record niya sa University of Santo Tomas at abala na siya sa pakikipaglaban sa nga Espanyol sa katimugang Luzon.


Pinalitan ni Leon Ma. Guerrero ang rector ng nasabing unibersidad, habang nang masakop ng mga Amerikano ang Malolos noong Marso 1899, inilipat sa kumbento ng simbahan ng San Sebastian sa Tarlac ang nasabing pamantasan, at nagpatuloy ang operasyon nito hanggang noong Nobyembre 1899, nang magsimula nang umatras ang pwersa ni Heneral Aguinaldo pahilaga para takasan ang mga humahabol na mga Amerikano.


Hindi pa nagkaroon ng kahalintulad na pampamahalaang unibersidad ang ating bansa hanggang naitatag ang University of the Philippines noong Hunyo 1908.


Sanggunian:
• Project Vinta (2020, October 19). On October 19, 1898, the Universidad de Literaria de Filipinas of the Revolutionary Government was founded in Malolos, Bulacan. https://m.facebook.com/pvinta/posts/2801209996792922
• WikiPilipinas (n.d.). Universidad Literaria de Filipinas. https://en.wikipilipinas.org/view/Universidad_Literaria_de_Filipinas